Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na walang ghost o depektibong flood control projects sa Southern Iloilo, sa gitna ng mga alegasyong lumutang kamakailan.
Inulit ito ng DPWH–Iloilo 1st District Engineering Office (DEO) sa Iloilo Provincial Board bilang pagtugon sa Resolution No. 2025-67, na nag-aatas na isumite ang listahan ng lahat ng flood control projects ng DPWH sa lalawigan mula Hulyo 2022 hanggang Marso 2025.
Ayon sa mga ulat, may apat umanong ghost projects, anim na depektibong proyekto, at isang hindi natapos na flood control project sa southern Iloilo, na sakop ng distrito ni Iloilo 1st District Representative Janette Garin.
Pero iginiit ng DPWH-Iloilo 1st DEO na lahat ng naturang proyekto ay maayos na naisagawa.
“These projects have been duly completed in accordance to their respective contracts,” pahayag ni Engr. Carlo John M. Leysa, hepe ng construction section ng DPWH-Iloilo 1st DEO, sa liham na ipinadala kay Iloilo Vice Governor Lee Ann Debuque.
“This office formally certifies that these are not ghost projects,” ayon pa sa liham na may petsang Nobyembre 18, 2025.
Kabilang sa mga flood control project na tinutukoy ang mga gawaing pamproteksyon sa dalampasigan sa mga bayan ng Oton, Tigbauan, Guimbal at Miag-ao.