Inihain ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte ang House Resolution No. 488 na humihiling sa Kamara na magsagawa ng isang agarang at komprehensibong imbestigasyon, sa aid of legislation, kaugnay ng mabibigat at seryosong alegasyong ibinunyag ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa resolusyon, binigyang-diin ni Duterte na dapat siyasatin ng House of Representatives ang umano’y ₱100-bilyong “budget insertion” sa 2025 national budget na idinawit ni Co sa Pangulo at kay Romualdez.
Ayon sa mga whereas clause ng resolusyon, sinabi ni Co sa mga video na in-upload sa social media na may direktiba umano para isingit ang ₱100-bilyong halaga ng mga proyekto sa budget sa pamamagitan ng 2025 Bicameral Conference Committee.
Binanggit din na binabatikos ni Co ang integridad ng Pangulo at ng dating Speaker dahil sa umano’y panghihimasok sa proseso ng pambansang badyet.
Kabilang sa pinakamabibigat na paratang na tinukoy sa resolusyon ang umano’y 25% na “kickback” na hinihingi para sa naturang ₱100-bilyong proyekto.
Inilahad din sa dokumento ang pahayag ni Co na personal umano niyang naihatid, kasama ang kanyang staff, ang malalaking halaga ng pera sa loob ng mga maleta para kina Romualdez at Marcos — na kung mapatutunayan umano'y nagtataglay ng mabigat na paglabag sa batas at pampublikong tiwala.
Nakasaad din sa resolusyon na naglabas si Co ng listahan ng mga proyekto, halaga, at mga contractor na umano’y kasama sa ₱100-bilyong insertion, na nangangailangan umano ng mas malalim na imbestigasyon upang matukoy kung totoo ang mga paratang.
Sa huling bahagi ng resolusyon, nananawagan si Duterte na atasan ang kaukulang komite ng Kamara na imbitahan si Co, mga opisyal ng DPWH, kinatawan ng Office of the President, Department of Budget and Management, at iba pang kaugnay na ahensya upang magpaliwanag, magsumite ng ebidensya, at makatulong sa pagbalangkas ng mga reporma.