Pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP) ang publiko na maging mas mapagmatyag laban sa panganib ng online scams ngayong papalapit na ang Pasko.
Sa ibinahaging ulat ng PNP noong Martes, Nobyembre 18, nakapagtala ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ng halos 4,000 online scams mula Enero hanggang Nobyembre ngayong 2025.
“Kabilang sa mga pinakakaraniwang scam [ay] ang online selling na may 1,630 kaso, investment/task na may 589 na mga kaso, vishing na may 431, hijacked profile/ID na may 326, at loan/lending na aabot sa 251,” anang PNP.
“Mayroon ding ibang mga modus gaya ng accommodation/travel scams na may 135, smishing na may 113, fake bookings na may 99, phishing na may 108, e-wallet fraud na may 79, romance/love scams na may 50, employment/seminar scams na may 40, debit/credit card fraud na may 50, parcel/package scams na may 27, at fake receipt o “legit buyer” scams na may 13,” dagdag pa nito.
Ayon pa sa PNP, madalas na isinasagawa ang scam sa pagpapakalat ng fake promo links at fake parcels. Kasama rin dito ang paggamit ng mga mapanlinlang na online investment schemes at phishing messages.
Payo ng awtoridad, tiyaking sa lehitimong online stores lamang isasagawa ang mga nais na transaction. Maging alerto rin daw sa mga “good to be true” na mga alok, na kadalasa’y patibong ng mga scammer.
Ibinahagi naman ng PNP ang pahayag nina Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio Nartatez Jr. at PNP Spokesperson Randulf T. Tuaño hinggil dito.
“Ngayong papalapit ang Pasko, mas nagiging agresibo ang mga online scammer. Hinihikayat namin ang lahat na doblehin ang pag-check sa mga online sellers, iwasan ang pag-click sa hindi kumpirmadong links, at huwag ibahagi ang OTP o banking details sa iba,” ani Nartatez.
“Habang papalapit ang kapaskuhan, tumataas ang bilang ng naloloko online. Kaya hinihikayat namin ang publiko na maging mapanuri sa bawat transaksyon. Kung may duda, huwag ituloy—mas mabuting mag-ingat kaysa maging biktima,” saad pa niya.
“Sa pagpasok natin sa pinaka-abalang shopping season ng taon, ang pinakaligtas na transaksyon ay yung nasubukan at napatunayan na. Magtulungan tayo upang maging ligtas, secure, at scam-free ang Pasko ngayong taon,” ani Tuaño.
Binibigyang-diin ng pulisya ang kahalagahan ng pagiging mapanuri sa ganitong uri ng sitwasyon, kung kaya’t hinihikayat nilang iulat ng publiko sa kanilang opisina ang mga ganitong uri ng panloloko.
Matatandaang pinag-iingat din ni Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) Executive Director Usec. Renato “Aboy” Paraiso ang publiko ngayong holiday season sapagkat “peak season” ng scammers ang panahong ito.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: ‘12 scams of Christmas’ na dapat iwasan para ‘Merry’ pa rin ang Pasko!-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA