Nagpahayag si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro kaugnay sa nabasa niya raw na balita sa pagbibigay ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr., ng kidney sa kaniyang ama.
Dahil umano rito, naniniwala sila Castro na hindi gumagamit noong kabataan ang Pangulo kaya siya nakapagbahagi ng bato kay dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Ayon sa naging press briefing ng Palasyo noong Martes, Nobyembre 18, sinagot ni Castro ang diumano’y mga haka-hakang paggamit ni PBBM ng ipinagbabawal na gamot noon pa raw na binata siya.
“Parang may nabasa ako sa isang news na ang ating Pangulo ay nag-donate ng kaniyang kidney sa kaniyang ama,” pagsisimula ni Castro.
“Papaano po kaya makakapag-donate ng kidney ang isang tao na hindi healthy?” tanong pa niya.
Matapos nito, binalingan ni Castro ang maaari umanong dahilan ni Sen. Imee Marcos sa pagbabato ng isyu sa kaniyang kapatid sa kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) noong Lunes, Nobyembre 17, 2025.
MAKI-BALITA: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM
“So banat o pagmamahal? Pagmamahal ba ang paninira sa sariling kapatid—paninirang walang basehan?” kuwestiyon niya.
Ani Castro, mas pinoprotektahan daw ni Sen. Imee ang mga taong may isyu sa korapsyon at umamin na “murderer” kaysa sa kapatid nitong ginagawa lang daw ang trabaho.
“Mas pinoprotektahan niya ang mga taong may issue about corruption. Mas pinoprotektahan niya ang mga taong umamin na murderer,” aniya.
Diin pa niya, “kesa sa kapatid niya na nagsasagawa lamang ng pagpapaimbestiga para mawala, masugpo ang korapsyon sa bansa.”
Pag-uulit ni Castro, hindi raw magpapadala ang Pangulo sa anomang mga pag-uudyok laban sa kaniya.
“Hindi po tayo magpapadala kung ano ang sinasabi ng maiingay. Matagal na po itong naresolba. Uulit-ulitin ko, paulit-ulit, ang Pangulo po ay malinis at ang Pangulo po ang hindi magpapadala sa anomang pag-uudyok[...]” pagtatapos pa ni Castro.
MAKI-BALITA: 'Di magpapadala sa maiingay!' PBBM, 'di kakasa sa drug test, sey ng Palasyo
MAKI-BALITA: Castro sa akusasyon ni Sen. Imee na 'drug addict' umano si PBBM: 'Desperadong galawan'
Mc Vincent Mirabuna/Balita