Ipinabatid ng social media personality na si Valentine Rosales na hindi na muna siya magiging aktibo sa social media matapos itong ipayo sa kaniya ng psychiatrist, dahil sa pagkuyog sa kaniya ng netizens dahil sa post na umano'y nagpaparatang kay Ivan Cesar Ronquillo na umano'y may kinalaman sa pagkamatay ng VMX actress na si Gina Lima.
Si Ronquillo na umano'y ex-boyfriend ni Lima, ang siya pang nagsugod sa aktres sa ospital nang matagpuan itong wala nang buhay sa isang condominium unit sa Quezon City noong Nobyembre 16. Dead on arrival si Lima sa ospital.
Makalipas ang ilang araw, nitong Miyerkules, Nobyembre 19, si Ronquillo naman ang napaulat na namatay matapos umanong kitlin ang sariling buhay matapos umanong ma-bash sa social media, at umano'y dulot na rin ng paghihinagpis sa pagkamatay ni Lima. Ilang netizens ang tila sinisisi si Ronquillo sa nangyari.
Maki-Balita: Ex-BF ng pumanaw na VMX actress na nagdala sa kaniya sa ospital, natagpuang patay!
Pinatotohanan pa ang mga espekulasyon tungkol sa pagbawi ni Ronquillo sa sariling buhay dahil sa kaniyang mga makahulugang Facebook posts, na nagsasaad na "susunod" siya sa namayapang dating nobya.
Maki-Balita: 'Hayaan mo susunod ako sayo!' Ex-BF ng pumanaw na VMX actress, nakapag-post pa bago pagkamatay
Isa sa mga personalidad na sumita kay Ronquillo kaugnay sa pagkamatay ni Lima ay si Valentine Rosales.
“Hoy!!!! Ivan Cezar Ronquillo kahit mag Deativate ka pa ng Facebook mo! Hindi ako papayag na walang hustisya sa Pagkamatay niya Gina Lima! Hayop ka mas matangkad kapa sakin tapos yung bubogbogin mo Babae na wala pa sa kalahati ng laki mo?” saad ni Valentine sa kaniyang Facebook post, as is published.
"Binugbog mo siya ng Malala tapos iniwan mo lang ng nakahandusay sa Kwarto! Namatay ang KAIBIGAN ko gawa ng internal Bleeding!!! 6 hours ng patay bago sinugod sa Hospital???"
"Apaka hayup mo!!!! Mag babayad ka sa Kulungan! Lintik lang ang walang Ganti!!!! KAYA GIRLS! Kahit gano pa ka-gwapo or macho magiging boyfriend niyo layuan niyo na agad isang beses lang kayo pag buhatan ng Kamay!!! Bago umabot sa ganitong klaseng eksena! Mag babayad kang Hayup ka ! Mamatay tao ka!!!! Hindi pwedeng walang hustisya pagkamatay mo Babe igaganti ka namin!" mababasa pa sa post.
Photo courtesy: Screenshot from Valentine Rosales/FB
Pero nitong Miyerkules, Nobyembre 19, batay sa lumabas na autopsy report ng Quezon City Police District (QCPD), walang "non-fatal external injuries" kay Lima at hindi ang mga pasang nakita sa hita niya ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Ang nakasaad sa inilabas na medico-legal certification, "presence of heart congestion, congested and edematous lungs" batay sa mga kinalap na specimen gaya ng stomach content, blood, urine, vaginal swabs, at organ cut sections.
Kung isasalin sa wikang Filipino ang maaaring naging rason ng pagkamatay ni Lima, ito ay "presensya ng pagsisikip sa puso, at barado at namamaga ang mga baga."
Ibig sabihin, masasabing hindi binugbog ni Ronquillo si Lima, taliwas sa mga kumakalat na espekulasyon tungkol sa dahilan ng pagkamatay ng aktres.
Maki-Balita: VMX actress Gina Lima, ‘di namatay sa bugbog—QCPD
Dahil dito, agad na nag-trending sa X ang pangalan ni Valentine Rosales, at kinuyog siya ng mga netizen at sinisisi kung bakit isinagawa ni Ronquillo ang pagbawi sa sariling buhay.
Agad namang dumepensa si Rosales at sinabing biktima lamang siya ng "misinformation."
Aniya sa kaniyang Facebook post, as is published, "Goodmorning, kakagising ko lang and yes, I heard the tragic news, I feel sorry and my deepest condolences go out to both the family of the bereaved to my Bebe Ivan and baby Gina."
"Unang una sa lahat bat ako ang sinisisi ninyo sa pag Su*c*de niya? eh tulad niyo! biktima din ako ng mis-Information dahil kay Kevin Tan ko lang din nalaman na kako binugbog daw ni Ivan si Gina, Which as a friend ang initial reaction ko is galit at poot kaya nag posts ako regarding the information I received."
"Ngayon kayong mga nag share at nakichismis kaya nag Viral yun ay ang may kasalanan dahil di naman yun kakalat at magiging ingay kung wala din naman naniwala at hindi din niyo shinare ang post kong yun. Tulad niyo ay isa rin akong biktima!"
"Sa tingin niyo kanino ko nalaman yung mga details tulad ng cause of death? oras? at hospital? edi sa mutual friends din namin. Which is hindi ko na idadamay dahil hindi ako tulad niyo na nag hahanap ng sisisihin."
"Tignan niyo nga! humingi ang ABS CBN at GMA news sakin ng mga information. But Since wala pang official reports and autopsy findings hindi ako nag bigay ng statement ko kasi nga hindi naman sakin nangaling ang news na yan at pinaka huli sa lahat Bakit hindi na kita mahanap dito sa FB Kevin Tan?"
"Just A Reminder for everyone: Please be kind, you don’t know how much your words and actions can affect someone, emotionally, mentally and physically. Stop negativity," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Valentine Rosales/FB
Bandang 4:17 ng hapon, muling nag-post si Valentine at sinabing iyon na ang huling post niya sa social media bilang advise ng kaniyang psychiatrist.
Aniya, dahil sa nangyayaring bashing sa kaniya ngayon, tila bumabalik daw ang "traumas" niya noon, na hindi niya binanggit ang pinag-ugatan. Pinahahalagahan daw niya ang mga taong nagpapadala sa kaniya ng mensahe upang kumustahin siya matapos mag-trending ang pangalan sa X at mapabalita ang pagkuyog ng mga netizen sa kaniya.
Aniya, as is published, "To Everyone, Hindi maganda lahat ng nangyayare at nababalitaan natin ngayon sa social media, Bumabalik ang past trauma's ko because of this incident. Sobrang hindi ko na din alam ano gagawin ko, My psychiatrist advised me to Stop using social media muna. This will be my last post for now. Na appreciate ko lahat ng nangangamusta sakin and those who are checking up on me with kind words! It helps big time Super thank you my loves."
Sumunod, humingi ng paumanhin si Rosales sa "failed factual checking." Hiniling niya sa lahat na sana raw maging mabait ang lahat sa mga tao lalo't kung hindi naman alam ang pinagdaraanan. Isang aral daw sa kaniya ang insidente na huwag magpadala sa emosyon at huwag agad manghusga ng tao kung wala pang matibay na facts tungkol dito.
"Also I am sorry because I failed to do factual checking before posting on social media as a friend's initial reaction nadala lang din ako ng emotions based on what I have discovered."
"Just a reminder for everyone. Let's be kind dahil we don't know what other's are going through right now, A little kindness can go a very long way."
"Let this be a lesson to always check facts and make sure before we condemn someone or something it should be accompanied by facts and not just baseless accusations. wag din tayo mag papadala sa emotions."
"Bye muna for now always remember to Be Kind," aniya pa.
Photo courtesy: Screenshot from Valentine Rosales/FB
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ng pamilya ni Ivan Ronquillo kung may legal na hakbang silang gagawin laban kay Rosales. Bukas ang Balita sa kanilang panig.
Maki-Balita: Valentine Rosales, kinukuyog matapos pagkasawi ng ex-BF ni Gina Lima