Tiniyak sa publiko ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na makakapaglabas na raw ng warrant of arrest para sa mga sangkot sa maanomalyang flood-control projects sa darating na mga araw.
Ayon sa isinagawang press conference ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kasama si Dizon noong Martes, Nobyembre 18, sinabi ng Kalihim na naiintindihan daw niya na naiinip na rin ang taumbayan.
“Ito na rin ‘yong sinasabi ng Pangulo, lahat tayo naiinip, lahat tayo nagagalit, ang taumbayan. Pero kailangan nating sundin ‘yong proseso para na rin masigurado na managot ng tuluyan ‘yung dapat managot,” aniya.
Pagdidiin ni Dizon, tingin daw niyang matibay ang mga kasong isinampa nila sa mga sangkot sa flood-control anomalies dahilan para mas maging mabilis na ma-convict sa Sandiganbayan ang kanilang mga naakusahan.
“‘Yan ang bilin ng Pangulo sa ‘min sa DPWH na siguraduhin na solid ‘yong ating mga kaso. Ang tingin namin, solid ang mga kasong ito,” saad niya.
Dagdag pa ni Dizon, “Ang mga kasong ito, madaling ma-convict ‘yong mga inaakusahan ngayon na naakusahan na nga sa ating mga Korte sa Sandiganbayan.”
Ani Dizon, kampante raw ang DPWH, ICI, at Ombudsman na magkakaroon ng resulta ang kanilang iginugulong na imbestigasyon sa mga akusado.
“Kampante kami, kampante ang ICI din, at kampante rin ang Office of the Ombudsman,” ‘ika niya.
Bukod dito, tila ibinida rin ni Dizon ang mabilis na proseso ng pagtutuligsa sa mga sangkot sa nasabing isyu kumpara raw noon sa kaso ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam o kilala rin bilang “pork barrel scam.”
“Wala pang dalawang buwan ay nai-file sa Sandiganbayan at tingin natin sa mga susunod na araw na lang ay ilalabas na ang warrants of arrest. With that, I think mabilis ito lalo na kung ikukumpara natin dun sa PDAF scam no’ng kay Janet Napoles,” pagkukumpara ni Dizon.
Ayon pa kay Dizon, simula pa lang daw ito at tinitiyak niyang marami pa ang susunod sa nasabing pag-aakusa sa mga sangkot sa maanomalyang flood-control projects.
“I think I can say, on behalf of the government, on behalf of the President, is umpisa pa lang ito at marami pang susunod diyan,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: 3 senador, kasama si dating DPWH Sec. Bonoan, pakakasuhan ng ICI
MAKI-BALITA: 'Kung involved, bakit siya nagpasabog?' Dizon, kinontra pasabog ni Co kay PBBM
Mc Vincent Mirabuna/Balita