December 17, 2025

Home BALITA National

INC spox sa pasabog ni Sen. Imee kontra PBBM: 'Labas sa pinag-usapan ang sinabi ni Senadora!'

INC spox sa pasabog ni Sen. Imee kontra PBBM: 'Labas sa pinag-usapan ang sinabi ni Senadora!'
Photo courtesy: Screenshot from NET25/via MB

Sinagot ni Iglesia ni Cristo (INC) Spokesperson Bro. Edwil Zabala ang ilang mga tanong kaugnay sa naging kontrobersiyal na rebelasyon ni Sen. Imee Marcos laban sa umano'y paggamit ng ilegal na droga ng kapatid niyang si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. sa ikalawa at huling araw ng "Rally for Transparency and a Better Democracy" na ginanap mula Nobyembre 16 hanggang 17 sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Manila.

Naganap ang pasabog ni Sen. Imee, gabi ng Lunes, Nobyembre 17. Pagkatapos nito, naglabas ng opisyal na pahayag ang INC na hindi na nila itutuloy ang pangatlong araw sana ng kanilang ikinasang rally, dahil naipahatid na raw nila sa pamahalaan ang kanilang mensahe.

Kaugnay na Balita: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM

Sa programang "Sa Ganang Mamamayan" ng NET25, kahapon ng Martes, Nobyembre 18, inilahad ni Zabala ang opisyal na pahayag ng pamunuan ng relihiyon hinggil sa naganap na pagwawakas ng rally.

National

'Masaganang Pasko!' Lotto ticket na nabili sa Rizal, wagi ng ₱49.1M sa Lotto 6/42!

Kaugnay na Balita: ‘It did not need 3 days to achieve the goal:’ INC, tinapos na ang rally

Ipinaliwanag niyang noong Nobyembre 13, opisyal at porman na inanunsyo ng INC ang pagsasagawa ng nabanggit na rally upang ipagdiinan ang panawagan ng publiko para sa isang wasto at transparent na imbestigasyon kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects sa Pilipinas.

Dahil daw sa bilis at lawak ng media coverage, kapwa lokal at internasyonal, hindi na raw kinailangang abutin pa ng tatlong araw upang makamit ang layunin na iparating ang mensahe, na sila ay nananawagan para sa justice, transparency, at peace.

Nagpapasalamat daw ang INC sa media, Philippine National Police (PNP), lokal na pamahalaan ng Maynila, at national government na nagpahatid ng kanilang mensahe at tiniyak na magiging mapayapa at maayos ang rally. Nagpasalamat din sila sa mga dumalong "Kapatid" o mga miyembro sa dalawang araw na rally, bilang tugon sa panawagan ng pamunuan na iparinig ang malakas na panawagan ng publiko para sa pamahalaan, na agarang tugunan ang malawakang korapsyon na nakaaapekto na sa ekonomiya ng bansa, maging sa international standing nito.

Ang ganitong klaseng gawain ay isa raw pangunahing karapatang ipinagkaloob sa mga mamamayan ng bansa. Ito raw karapatang magpahayag at mapayapang magtipon.

Mula raw sa simula, binigyang-diin na raw ng INC na sila ay laban sa mga kilos na salungat sa Konstitusyon. Nagsimula raw sila nang mapayapa, at nagtapos din nang mapayapa. Ibinibalik daw nila ang lahat ng kapurihan sa Diyos, sa pagtatapos ni Zabala.

Pagkatapos sabihin ang opisyal na pahayag, sinagot naman ni Zabala ang ilan sa mga tanong na ibinigay sa kaniya ng dalawang hosts.

Unang tanong ay tungkol sa mga dumalo sa rally na hindi raw kaanib ng simbahan, subalit nakapagsalita pa raw sa harapan ng mga miyembro. Ano raw ba ang nililiwanag sa mga gustong magsalita?

Sagot naman ni Zabala, "Maganda pong naitanong 'yan. Ang totoo, 'yong sagot diyan, nakapaloob doon sa unang press release na inilabas ng Iglesia tungkol sa kilusang ito, at nais ko lamang ipaalaala sa mga nanonood sa atin, noon din pong Nobyembre 13, sinabi na namin na ang mga hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo na ang nais sabihin ay kaisa po ng panawagan namin, tatanggapin."

"Alam ito ng lahat ng mga nagpasabing nais nilang sumama at magsalita sa rally dahil napakahalaga po ng ipinanawagan ng mga nagtitipon doon... 'yong justice, accountability, transparency at maging 'yong peace. Gano'n din, upang matiyak po na walang ipananawagang labag sa Konstitusyon," paliwanag pa niya.

Sumunod na tanong sa INC spox, kung ano ang masasabi niya tungkol sa mga sinabi ni Sen. Imee noong siya na ang magsalita.

"Napakagandang katanungan, at palagay ko kailangan kong i-address 'yong kasagutan pong 'yan sa mga nanonood sa atin," pasakalye pa ni Zabala.

Aniya, "Pinag-uusapan naman po, pinag-usapan naman po ni Senadora at ng organizers ng rally na hanggang sa ikalawang araw, 'yon pa rin naman po ang ipananawagan ng rally: justice, accountability, transparency, at peace. Labas sa pinag-usapan ang sinabi ni Senadora."

"Pero no'ng narinig natin, pinabayaan natin dahil ang tema po ng kaniyang sinasabi ay pakikipag-usap, pagpapayo ng isang nakatatandang kapatid sa kaniyang nakababatang kapatid. At bakas po sa sinasabi niya na mahal niya ang kaniyang kapatid. At hindi lamang po iyon, mahal din po ni Senadora ang kaniyang bayan," giit pa niya.

Panghuling mensahe ng INC spox sa lahat ng mga dumalo at nakiisa sa rally, "Sa lahat po ng mga Kapatid na dumalo, maraming salamat po sa inyong lahat. Marami po ang napagod, pero sa kabila no'n ay masigla pa rin po sa pakikilahok. Napatunayan natin na kahit mainitan o maulanan tayo, handa tayong iparinig ang boses natin alang-alang sa mga hindi pinakikinggan, at alang-alang po sa mga naaapi."

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Sen. Imee tungkol dito.