Kinumpirma ng Quezon City Police District (QCPD) na natagpuang walang buhay ang ex-boyfriend ng pumanaw na VMX (dating Vivamax) actress na si GIna LIma, sa parehong bahay kung saan una nang nasawi ang aktres.
Ang nabanggit na ex-boyfriend na si Ivan Cesar Ronquillo, ang siya pang nagsugod sa aktres sa ospital nang matagpuan itong wala nang buhay sa isang condominium unit sa Quezon City noong Nobyembre 16.
Sa ulat ng TV Patrol noong Nobyembre 18, sinabi na ang dating nobyo ang nakapansin na tila hindi na humihinga ang aktres, dahilan upang agad niya itong dalhin sa ospital. Ngunit pagdating doon, idineklara na itong dead on arrival.
Ayon sa inisyal na ulat, nakaranas ang aktres ng cardiorespiratory distress.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis sa condo unit, walang nakitang palatandaan ng anumang pakikipagbuno o struggle mula sa biktima.
Samantala, nitong Miyerkules, Nobyembre 19, kinumpirma ni La Loma Police Station Commander Lt. Col. Jose Luis Aguirre, na si Ronquillo naman ang natagpuang walang malay, sa parehong condo unit kung saan nangyari ang insidente kay Lima. Isinugod pa siya sa ospital upang subukang i-revive, ngunit idineklara rin itong patay pagdating doon.
Kumakalat din ang ilang ulat na umano'y kinitil ni Ronquillo ang sariling buhay, na posibleng kaugnay pa rin sa nangyari kay Lima.
Makikita sa Facebook post ni Ronquillo ang ilang mga kuhang video na magkasama sila ni Lima, at isang video clip kung saan makikitang umiiyak siya habang nasa nakahiga ang aktres.
Habang hinihintay ang resulta ng pinal na autopsy ni Gina, nagpapatuloy din ang masusing imbestigasyon sa biglaang pagkamatay ni Ronquillo.
Patuloy na tinitingnan ng mga awtoridad ang lahat ng anggulo upang matukoy kung may kaugnayan ang dalawang magkahiwalay ngunit magkasunod na insidente.