Tila pinutol ni dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo ang ilang mga "pakiusap" sa posibilidad na muli siyang tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 matapos niyang sabihing mas pipiliin niyang manatili sa Naga upang tugunan ang mga lokal na problema ng kaniyang nasasakupan.
Sa isang maikling kumustahan sa journalist na si Dindo Balares at misis nito, nabanggit ni Balares na tila “pabalik ang ihip ng hangin” sa mga kilos at atensyon na natatanggap ni Robredo, katulad noong 2022 presidential elections.
Ayon kay Balares, nabanggit niya rin kay Robredo ang balitang nakatakdang bumisita ang dating Bacolod City Mayor at Congressman Monico Puentevella upang hikayatin—at kung kinakailangan ay “manikluhod”—na tumakbo muli si Robredo sa national politics.
Ngunit mariing tugon daw ni Robredo: “Naku, dito na lang ako sa Naga. Andami-daming problemang dapat asikasuhin dito. Mas magagawa nating ayusin dito. Sila na lang doon, ang gugulo nila.”
Ayon kay Balares, simula nang maupo si Robredo bilang Chief Executive ng lungsod, napapansin ang pagtaas ng interes ng mga turista at mamumuhunan sa Naga.
Dinaragsa rin umano ang City Hall ng iba’t ibang delegasyon mula sa iba pang local government unit (LGU) na nais magkaroon ng exposure at immersion sa pamamalakad ng lokal na pamahalaan.
Para kay Balares, ipinapakita ng hakbang ni Robredo na kahit hindi magmumula sa “Imperial Manila” ang pagbabago, maaaring simulan ito sa mga siyudad at bayan sa labas ng sentrong politikal ng bansa.
"Kung hindi kayang magsindi ng transformational leadership at pagbabago ang Malacañang, Senado, at House of Representatives, puwede itong gawin sa mga bayan at siyudad," aniya.
Photo courtesy: Screenshot from Dindo Balares/FB
Matatandaang tumakbo bilang pangulo si Robredo noong Mayo 2022 subalit natalo siya ng kasalukuyang presidente si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr.