Dalawang buwan matapos idaos ang protestang “Baha sa Luneta” sa Luneta Park sa Maynila, noong Setyembre 21, 2025, muling magkakaroon ng malaking kilos-protesta sa parehong lugar sa Nobyembre 30 dahil sa umano’y kawalan pa rin ng pananagutan ng mga sangkot sa katiwalian sa pamahalaan.
Inanunsyo ito ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) sa isang press conference nitong Miyerkules, Nobyembre 10. Ayon sa grupo, saludo sila sa publiko na “patuloy na nagpoprotesta simula nang sumabog ang flood control scandal” at dahil dito ay “napilitang kumilos ang administrasyon ni Marcos upang tugunan ang mga panawagan para sa katotohanan at pananagutan.”
“Kung hindi sa sunod-sunod na pagkilos ng taumbayan - mula sa Baha sa Luneta, mga Black Friday protests, student walkout, noise barrages, pati chanting sa UAAP games at iba pang pagkilos - hindi kikilos ang Malacañang. Ngayon, napilitan itong magpakita ng ‘aksiyon’ sa gitna ng nag-uumapaw na galit ng publiko sa bilyon-bilyong pisong ninakaw sa kaban ng bayan,” anang KBKK.
Ayon kay Teddy Casiño, chairperson ng Bagong Alyansang Makabayan, hindi umano magiging totoo ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makukulong ang mga nasa likod ng flood control scandal bago mag-Pasko hangga’t wala pang napaparusahan o naipapakulong sa mga kaso ng katiwalian.
Nagdaos na ng iba’t ibang kilos-protesta sa iba’t ibang panig ng bansa laban sa sinasabing malawakang korapsyon na kinasasangkutan ng ilang opisyal at empleyado ng pamahalaan.
Kasunod nito, nagsagawa ang Kongreso ng mga imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyekto ng imprastraktura, at nagsampa na rin ng mga kaso laban sa mga pinaniniwalaang nakakuha ng kickback mula rito.
Ayon kay David San Juan, convenor ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance, magsisimula ang programa ng “Baha sa Luneta 2.0” sa ganap na 9:00 ng umaga at tatagal hanggang tanghali. Bago magsimula ang event, magmamartsa patungong Luneta Park ang iba’t ibang sektor mula sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Samantala, kaugnay ng nakatakdang malawakang protesta sa Noyembre 30, matatandaang nauna nang makumpirma ang muling pagsasagawa rin ng Trillion Peso March sa EDSA People Power Monument kung saan inaasahang dadagsain ito ng daan-daang libong katao.
KAUGNAY NA BALITA: NCRPO, kasado na sa malawakang rally sa Nov. 30