Nagsampa na ng mga kaso ang Office of the Ombudsman laban kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co kaugnay ng umano’y iregularidad sa substandard road dike at flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro, na nagkakahalagang ₱290 milyon.
Kabilang sa isinampang reklamo laban kay Co ang two counts of graft at malversation of public funds, na pawang mga kaso na walang kaukulang piyansa o bail.
Bukod sa dating kongresista, kinasuhan din ang ilang opisyal mula sa DPWH Region IV-B at mga kinatawan ng Sunwest Construction and Development Corporation (Sunwest Inc.) na umano’y sangkot sa implementasyon ng proyekto.
Patuloy pang hinihintay ang pahayag ng kampo ni Co at ng iba pang mga akusado hinggil sa mga alegasyon.
Kamakailan lamang, naging usap-usapan si Co matapos maglabas ng video statements laban kina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, na may kinalaman sa umano'y ₱100 bilyong insertions sa national budget.
Kaugnay na Balita: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget