Diretsahang inihayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Officer Usec. Claire Castro na lahat daw yata ng tagasuporta ni Vice President Sara Duterte ay gustong pababain sa puwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kaugnay ito sa panawagang patalsikin sa puwesto si PBBM dahil sa lumalaganap na isyu at korapsyon sa bansa.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Inciting to sedition?’ DILG Sec. Remulla, paiimbestigahan panawagang ‘Marcos Resign’-Balita
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO), kasama ang Malacañang Press Corps (MPC) nitong Martes, Nobyembre 18, itinanong pa niya kung ang hakbang daw ba na ito ay paraan upang palitan ang Pangulo sa kaniyang pagkapresidente.
“So kailangan pa po bang i-memorize ito? Lahat naman yata ng supporter ng Bise Presidente ang nais ay paalisin sa puwesto ang Pangulo. Bakit? Para pumalit ang Bise Presidente?” ani Castro.
“The President is still working and keeps on working for the country. So, hindi po option sa administrasyon, sa Pangulo ang pagbibitiw. Ang Pangulo ay matapang na haharapin kung ano man ang suliranin ng bansa. Silang mga nag-iingay, sila ay ingay lamang,” saad pa niya.
Sa usapin namang tila bumabalik sa Pangulo ang inisyatibo nitong imbestigahan ang isyu ng korapsyon sa bansa, tahasang ipinahayag ni Usec. Castro na ito raw ang nais ipakita ng mga propagandista at destabilizers.
“Hindi natin nakikitang nagbo-boomerang ito, pero ito ang nais ipakita ng mga propagandista, mga destabilizers, para mailihis ang isyu tungkol sa talagang nasasabing sangkot dito—mga sangkot na ninanais na makaligtas at makalusot,” saad niya.
“Dahil kapag nawala ang Pangulo sa kaniyang puwesto, malamang muli magiging maligaya ang mga nasasabing sangkot dahil ang susunod na liderato, ipagpapatuloy kaya itong paninindigan ng Pangulo na sawatain at puksain ang korapsyon,” pagtatapos nito.
Matatandaang kamakailan ay idinawit ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ang pangalan ng Pangulo at ni dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay sa umano’y budget insertions ng mga ito na umabot sa ₱100 bilyon.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, wala raw natanggap sa umano'y ₱100B insertions nina PBBM, ex-HS Romualdez
Vincent Gutierrez/BALITA