December 18, 2025

Home BALITA National

Tuloy sa serbisyo, dedma sa isyu? PBBM bumisita sa Albay, nag-inspeksyon sa paaralan

Tuloy sa serbisyo, dedma sa isyu? PBBM bumisita sa Albay, nag-inspeksyon sa paaralan
Photo courtesy: PCO (FB)

Para kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., tuloy raw ang serbisyo para sa bayan matapos na personal na bisitahin nitong Martes, Nobyembre 18 ang Tiwi, Albay, na matinding sinalanta ng super bagyong Uwan.

Ito raw ay upang tiyaking naipaaabot ang kinakailangang ayuda sa mga apektadong residente ng nagdaang super bagyo, ayon sa news release ng Presidential Communications Office (PCO).

Isa sa mga dinayo ng Pangulo ang Cararayan-Naga Elementary School (CNES) sa bayan ng Tiwi, kung saan nakisalamuha siya sa mga mag-aaral na nasa loob ng kanilang pang-umagang klase. Umiiral ang class-shift scheme sa paaralan upang ma-accommodate ang 157 mag-aaral na apektado ng bagyo mula sa kabuuang 917 na naka-enroll.

Namahagi rin ang Department of Education (DepEd) ng learning materials sa mga mag-aaral, habang ang Office of the President (OP) ay nag-donate ng isang Starlink unit sa CNES at isa pa sa Tiwi Central School.

National

Bilang Pangulo at Commander-in-Chief: PBBM, ipinangako patuloy na modernisasyon ng AFP

Nagbigay rin ang OP ng 343 school bags at snacks para sa mga mag-aaral at iba pang benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DepEd Assistant Schools Division Superintendent Bernie Despabiladero, pitong silid-aralan sa CNES ang nagtamo ng malaking pinsala na tinatayang aabot sa ₱3.5 milyon, habang walong classrooms naman ang may minor damage na nasa ₱392,000. Nasira rin ang tatlong water, sanitation and hygiene (WASH) facilities ng paaralan, at tinamaan ang humigit-kumulang 200 learning resources at 50 upuan.

Dagdag ni Despabiladero, nakatanggap na ang paaralan ng ilang tulong mula sa pamahalaan, kabilang ang learners’ kits mula sa DepEd Albay, psychological first aid, at Starlink installation mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT). Nagsagawa rin ng clean-up at clearing operations ang mga boluntaryo mula sa DPWH at mga lokal na pamahalaan.

Lubos ang pasasalamat ni Despabiladero sa pagbisita ng Pangulo, na aniya’y patunay ng pagbibigay-prayoridad ng administrasyon sa edukasyon. Aniya, itinuturing niya ang pagbisita ni PBBM bilang inspirasyon na nagtataas ng morale ng mga guro at mag-aaral, at nagdadala ng atensiyong pambansa sa lokal na pangangailangan ng sektor ng edukasyon.

Matapos ang inspeksiyon, nagsagawa si PBBM ng situation briefing kasama ang mga miyembro ng Gabinete, mga opisyal ng nasyonal at lokal na pamahalaan upang tasahin ang kabuuang pinsala mula sa Bagyong Uwan at siguraduhing tuluy-tuloy ang mga hakbang para sa relief at rehabilitasyon.

Kabilang sa tulong na ipinamahagi ang emergency cash transfer mula sa DSWD na nagkakahalaga ng ₱10,263, at family, hygiene, at kitchen kits para sa 141 pamilya na nawalan ng tirahan dahil sa bagyo.

Matatandaang noong Lunes, Nobyembre 17, sa pangalawa at huling araw ng "Rally for Transparency for a Better Democracy" ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Manila, lumikha ng ingay ang naging rebelasyon ng nakatatandang kapatid ng Pangulo na si Sen. Imee Marcos kung saan inamin niyang matagal nang "drug user" ang nakababatang kapatid.