Nanindigan ang political analyst at Presidente ng Stratbase ADR Institute na si Dindo Manhit na kayang tapusin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang termino, sa kabila ng mga isyung kinahaharap ng kaniyang administrasyon.
Kabilang sa kinahaharap ng administrasyon ay ang pagbunyag ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sa umano’y kaugnayan ng Pangulo sa budget insertions, kasama si dating House Speaker (HS) Martin Romualdez na umabot sa ₱100 bilyon, at ang alegasyon ng kaniyang kapatid na si Sen. Imee Marcos hinggil sa diumano’y paggamit niya ng ilegal na droga.
KAUGNAY NA BALITA: Zaldy Co, wala raw natanggap sa umano'y ₱100B insertions nina PBBM, ex-HS Romualdez-Balita
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na ‘gumagamit’ diumano ng droga si PBBM-Balita
Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Manhit nitong Martes, Nobyembre 18, inilahad niyang maraming ‘legitimate institution’ din ang naniniwalang ‘legitimate authority’ si PBBM.
“Ang Pangulo sa tingin ko can survive this, because there are legitimate institutions of Philippine Society who believe that the President [is] being a legitimate authority, would like him to finish his term,” ani Manhit.
“I’m referring to those that can really bring down a President [such as the] business private sectors, the Catholic Church, which is a lot, a lot bigger than the Iglesia ni Cristo (INC), [and] the military,” pagpapatuloy niya.
Aniya pa, ang hinihingi ng mga institusyong ito ay nakasaad naman sa Konstitusyon ng Pilipinas.
“Lahat ‘yan, hinihingi [nila na] Constitution ang sundin. So, sa Constitution, ang nais nila is magtapos ang Pangulo [sa termino nito],” saad pa niya.
“So sa akin lang, ‘yon ang dapat nating bantayan. Pero ang hinihingi nitong mga puwersang ito, humihingi lamang sila ng pananagutan at hustisya tungkol sa mga batikos o balita na may malaking nakawan sa flood control—I’m referring to the Church, business sector, legitimate civil society, and even the military.”
Matatandaang kamakailan, nagbabala si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na paiimbestigahan niya ang panawagan ng ilang raliyista hinggil sa nainis ng mga ito na pababain si PBBM sa puwesto.
“That’s close to inciting to sedition, so i-investigate namin sila. [Ang] mga ganitong salita has no place in a civil society,” saad ni Remulla.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Inciting to sedition?’ DILG Sec. Remulla, paiimbestigahan panawagang ‘Marcos Resign’-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA