December 13, 2025

Home BALITA National

Kitty Duterte, naghain ng 'Urgent Motion' sa Korte Suprema sa agarang pagbalik kay FPRRD sa Pilipinas

Kitty Duterte, naghain ng 'Urgent Motion' sa Korte Suprema sa agarang pagbalik kay FPRRD sa Pilipinas
Photo courtesy: Kitty Duterte/via MB

Naghain ngayong Nobyembre 18, 2025 ang Panelo Law Office, legal counsel ni Veronica “Kitty” Duterte, ng isang "Urgent Motion to Resolve and to Direct Respondents to Facilitate the Immediate Return of Former President Rodrigo Roa Duterte" (FPRRD) sa Korte Suprema, kaugnay ng pinagsama-samang habeas corpus petitions (G.R. Nos. 278763, 278768, at 278798)," batay sa Facebook post ni Atty. Salvador Panelo.

Ayon sa law office, ang mosyon ay inihain dahil sa umano'y matagal na pananahimik ng Korte Suprema hinggil sa mga petisyong nakabinbin pa mula pa noong Marso 12, 2025, na humihiling ng agarang aksyon laban sa umano’y extralegal rendition o ilegal na pagdadala kay FPRRD sa International Criminal Court (ICC), kaugnay ng kasong crimes against humanity.

Batay sa post, binibigyang-diin ng mosyon na ang kawalan ng desisyon ng Korte Suprema ay maaaring magdulot ng lalo pang paglala ng kalusugan ng dating pangulo o hindi makataong pagpanaw sa banyagang kustodiya.

Hinihiling din nito na panagutin ang mga opisyal na umano’y nasa likod ng “illegal abduction” at pagsuko kay FPRRD sa ICC, at pigilan ang karagdagang paglabag sa karapatang pantao at due process—kabilang ang sinasabing banta ng pagkakaharap ng kaparehong sitwasyon ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Binanggit din ng mosyon ang matagumpay na repatriation ng dating kongresistang si Arnolfo Teves Jr., kahit pa tinanggihan ng Timor-Leste Court of Appeals ang extradition request, bilang patunay na may kapasidad ang pamahalaan na isauli si FPRRD kahit pa may inaasahang pagtutol mula sa ICC.

Sa pagtatapos ng pahayag, nanawagan ang Panelo Law Office sa Korte Suprema na kumilos nang mabilis upang igiit ang Rule of Law at matiyak na ang mga lantad na paglabag sa batayang karapatan ay hindi mananatiling walang kaparusahan.