Hindi raw sasailalim sa hair follicle test si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro, kaugnay ng pang-uurot sa kaniya ng kapatid na si Sen. Imee Marcos na isagawa ito.
Matatandaang sa pangalawa at huling araw ng "Rally for Transparency for a Better Democracy" na isinagawa ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand, Rizal Park, Maynila noong Lunes, Nobyembre 17, tahasang sinabi ni Sen. Imee na umano'y gumagamit ng droga ang kaniyang kapatid na si PBBM.
Maki-Balita: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na gumagamit diumano ng droga si PBBM
Nagbigay naman ng reaksiyon dito ang anak ni PBBM at pamangkin ng senadora na si Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos, at sinabing tila hindi raw ito asal ng isang kapatid.
Maki-Balita: Sandro sa paratang ni Sen. Imee sa 'drug addict' umano si PBBM: 'Hindi ito asal ng isang tunay na kapatid'
Sa isang Facebook post naman, sinabi ni Sen. Imee na handa siyang sumailalim sa DNA test upang patunayang hindi totoo ang mga kumakalat na intrigang hindi si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. ang kaniyang ama, bagay na tila pinatatama raw sa kaniya ni Sandro.
Maki-Balita: Sen. Imee kay Sandro: 'Magpa-DNA test ako, magpa-hair follicle test sila'
Sa isinagawang press briefing sa Malacañang nitong Nobyembre 18, sinabi ni Castro na hindi raw sasailalim sa hair follicle test ang Pangulo.
"Uulitin natin, paulit-ulit, uulit-ulitin natin, hindi po tayo magpapadala kung ano ang sinasabi ng mga maiingay," aniya.
"Matagal na po itong naresolba."
"Ang Pangulo po ay malinis at ang Pangulo po ay hindi magpapadala sa anumang pag-uudyok; pag-uudyok ng mga destabilizers, pag-uudyok ng mga obstructionists na walang gagawin kung hindi magbigay ng mga kondisyon, magbigay ng pag-uutos sa Pangulo kahit hindi na po ito naaayon sa kaniyang pagtatrabaho."
Binanatan din ni Castro ang senadora sa umano'y paninira niya sa sariling kapatid.
"Huwag mong sirain ang kapatid mo. Hindi ito ang issue ngayon. Matagal nang issue 'to pero since wala kayong makita sa Pangulo na anumang issue ng korapsyon, kung saan saan n'yo dinadala ang issue."
"Nakakahiya, Senator Imee. Nakakahiya," pagtatapos ni Castro.
Maki-Balita: Castro sa akusasyon ni Sen. Imee na 'drug addict' umano si PBBM: 'Desperadong galawan'