Nanganganib umanong magsara ang maraming Japanese-run restaurants at eateries sa Metro Manila matapos ang umano'y higit 20 insidente ng armadong pagnanakaw laban sa mga Japanese nationals mula pa noong Oktubre ng nakaraang taon, ayon sa Japanese Embassy sa Pilipinas.
Sa ulat ng South China Morning Post at iba pang international news outlets, nagpatupad na raw ng curfew ang ilang Japanese companies para sa kanilang mga empleyado, dahilan para kumonti ang customers sa mga nightlife area tulad ng Little Tokyo sa Makati.
Ayon daw sa panayam kay Masaaki Ema, may-ari ng isang izakaya sa Makati, bumagsak nang halos kalahati ang kanilang kita dahil sa krimen at sunod-sunod nang nagsasara ang ibang kainan.
Mas lalo pa umanong tumindi ang takot ng mga negosyanteng Japanese nang mapatay umano ang dalawang kababayan nila sa Maynila noong Agosto, matapos barilin ng isang salarin na tumakas sakay ng motorsiklo.
Bunsod ng takot, maraming kompanya ang nagpatupad ng nighttime curfew, ayon sa Philippine-Japan Chamber of Commerce and Industry.
Sinabi naman ng Makati police na naaresto na ang mga suspek sa mga nakaraang kaso at nag-deploy sila ng 5–6 pulis sa Little Tokyo gabi-gabi mula 6:00 ng gabi hanggang 2:00 ng madaling-araw.
Kilala ang Makati area bilang "Little Tokyo" dahil sa dami ng Japanese restos na makikita rito.
Bagama’t mas ramdam na raw ang presensya ng pulisya, aminado ang mga negosyante na matagal daw bago mawala ang pangamba. Umaasa raw silang makakabalik ang mga customers at muling sisigla ang Little Tokyo.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang lokal na pamahalaan ng mga lungsod sa Metro Manila tungkol dito. Bukas ang Balita sa kanilang panig.