December 13, 2025

Home FEATURES Usapang Negosyo

ALAMIN: Kumikitang kabuhayan sa pagsapit ng Christmas season

ALAMIN: Kumikitang kabuhayan sa pagsapit ng Christmas season
Photo courtesy: Unsplash


Kilala ang mga Pilipino bilang likas na madiskarte sa buhay. Halos lahat ay talagang ginagawaan nila ng paraan upang mabigyan lamang ng solusyon ang isang problema. Kahit simpleng materyal lang, nagagawa at nabubuo nila sa isang mas kapaki-pakinabang na bagay.

Ngayong sasapit na ang Holiday season, partikular na ang Kapaskuhan, marami na ang umiisip ng paraan upang samantalahin ang panahong ito upang kumita ng pera.

Narito ang ilan sa mga kumikitang kabuhayan na maaaring subukan ngayong papalapit na ang Kapaskuhan.

1. Gift Wrapping Services

Likas na mapagbigay ang mga Pilipino, lalo na sa mga malalapit na tao sa kanila. Tuwing sasapit ang Kapaskuhan, hindi mawawala ang bigayan ng regalo.

Dulot nito, mataas ang demand para sa “gift wrapping services” lalo na para sa mga taong wala nang oras para ibalot pa ang mga regalo nila.

Kung kaya’t masasabing epektibo itong paraan upang kumita ng pera, dagdagan lamang ng sipag at tiyaga.

2. Christmas Delicacies and Food Products

Isa rin sa mga highlight tuwing sasapit ang holiday season ay ang nagsasarapang mga delicacies and food products na madalas tuwing Disyembre lamang patok o inihahain.

Mahilig lumantak ng sari-saring pagkain ang mga Pinoy, kaya kung ang goal mo ay kumita ngayong Pasko, swak na swak ang diskarteng ito.

Siguraduhin lamang na isama sa iyong menu ang bibingka, puto bumbong, at queso de bola, lechon, at iba pang pagkain na tanyag tuwing Kapaskuhan.

3. Christmas Decorations

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang mga Pinoy ay talaga namang pinaghahandaan ang pagsapit ng Pasko. Sa sobrang paghahanda ng mga ito, Setyembre pa lang ay puno na ng dekorasyon ng mga tahanan dito.

Kaya bilang isang business-minded na Pinoy, huwag kalimutan ang ideyang ito, sapagkat tiyak papatok ito lalo na pagpalo ng buwan ng Disyembre.

Mabili ang mga dekorasyong pampasko tulad ng Christmas tree, Christmas balls, garlands, Christmas lights, at iba pa.

4. Holiday Party Planning/Organizing

Asahan mo nang abala ang lahat ng mga tao upang kumita ng pera, asikasuhin ang kanilang pamilya at bahay, kung kaya’t wala na halos sa kanilang listahan ang iplano kung ano nga ba ang dapat na gawin sa mismong pagpatak ng Pasko.

Kung ikaw ay may karanasan sa pag-oorganisa ng party o mga kasiyahan, swak ang ideyang ito para sa iyo.

Siguraduhin lamang na masa-satisfy ang iyong kliyente sa iyong serbisyo, para tiyak booked ka na ulit sa susunod na taon.

5. Christmas Carolers

Kung may kahusayan ka sa pag-awit o pagsayaw, ito na ang chance mo upang ipakita ang talento mo, at tiyaking kikita ka habang ginagawa ito.

Tuwing Pasko, maaari mo itong gawin nang solo, duo, o kaya naman buong grupo, depende sa iyong gusto.

Awitin o sayawin ang pinakapaborito mong Christmas song, bigyan ito nang kakaibang atake, tiyak ikaw ay papaldo.

6. Seasonal Pop-up stores

Usapang Negosyo

'Ayaw manahin ng mga anak,' Chocolate Lover Inc., magsasara na matapos ang higit 3 dekada

Mahilig mag-shopping ang mga Pinoy, kaya sigurado ang sakses sa business idea na ito.

Puwede ka magbukas ng food bazaar, unique items, o kaya naman ay clothings.

Tiyakin lamang na kakaiba ka sa mga kakompitensya mo, sapagkat isa ang Pop-up stores sa mga pinakakilalang ideya upang kumita tuwing sasapit ang holiday season.

7. Online gift shops

Dahil sa pagiging busy ng lahat tuwing holiday, wala nang oras ang iba upang mamili pa ng regalo para sa kanilang pamilya, jowa, kaibigan, o kaklase.

Upang matulungan mo sila, maaari kang magpasimula ng isang online gift shop sa darating na holiday, habang tuloy naman ang pasok ng pera bilang kapalit ng iyong inisyatibo.

Hindi na rin kasi kakaiba ang online shopping, at halos lahat ng tao ay nakadepende na rito, kung kaya’t magandang ideya rin ito.

Siguraduhin lamang din ang kalidad ng iyong mga produkto, upang balik-balikan ka ng mga mamimili.

8. Holiday Photography Services

Sabi nila, “a picture speaks a thousand words.” Bawat litrato, naghahayag ng kuwento.

Kung magpapasinaya ka ng ganito, tiyak maganda na maging parte ka ng memory nilang ito. Hindi lang iyon, kikita ka pa ng pera panigurado!Isa pa, mahilig magpalitrato ang mga Pilipino, hindi ka malulugi rito.

Basta’t siguraduhin mo lang na mayroon kang camera skills, editing skills, at iba pang mahahalagang talento na may kinalaman dito.

9. Sound system/Videoke Rental

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat, hindi lang sa Pilipinas, kung hindi maging sa mundo, na mahilig ang mga Pinoy sa pagkanta. Halos lahat, napapabirit basta may sound system at videoke na nakahanda.

Sa darating na holiday, bida na naman ang tradisyon ng pagkanta, kung kaya’t epektibo ang business idea ng pagrerenta ng sound system at karaoke.

Tiyak ang kita rito, basta’t iwasan lang na ang mga kagamitan ay masira.

10. Seasonal Travel Packages

Karamihan sa mga Pinoy kapag sasapit ang holiday ay tumutungo sa ilang top destinations sa bansa upang mag-celebrate at mag-relax.

Swak ang seasonal travel packages kung nais mong kumita sa panahong sasapit ang mahahalagang araw na ito. Outing, family gatherings, o kung ano man, tiyak ang kita rito.

Siguraduhin lamang na makipag-coordinate sa tour operators, hotels, at airlines, upang makabuo ng partnership, at makabuo ng exciting deals and offers na puwede para sa mga posibleng kliyente mo.

Mahalagang i-enjoy ang holiday season ng Kapaskuhan, ngunit maganda ring samantalahin ang panahong ito upang kumita ng pera. Naging masaya ka na, pumaldo ka pa!

Maging mapagmatyag lamang at maging alerto upang hindi mabiktima ng bogus clients at scammers.

Vincent Gutierrez/BALITA