Aginaldo ang nais pero scam ang inabot?
Pinag-iingat ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang publiko sa pagkalat ng scams sa kasagsagan ng Christmas season.
Ayon kay CICC Executive Director Usec. Aboy, “peak season” ng scammers ang panahon ng kapaskuhan dahil target ng mga ito ang mga namimili ng mga regalo online.
Kaya ang kadalasang gimik raw ng mga ito ay umiikot sa shopping at fake delivery scams, kung saan, gumagamit sila ng mga pekeng promo o mga text links para makapagnakaw ng pera at mga sensitibong impormasyon.
Dahil dito, narito ang “12 Scams of Christmas” na dapat bantayan para maging “merry” ang darating ng pasko:
1. Online Shopping Scam
Nagpapakilala ang scammers dito bilang “online sellers” na kadalasang mayroong pekeng website, ad, at retail store, kung saan, ang user ay walang natatanggap na kahit ano sa mga napamili niya matapos magbayad–o kung may matanggap man, mali o peke rin ang item na makukuha.
2. Fake Delivery Scam
Dito ay kadalasang nagpapadala ng text message ang isang “courier” na nagsasabing nagsubok na i-deliver ang isang item, at para ma-reschedule ito ay magpapadala ng link na nanghihinga ng mga sensitibong impormasyon tulad ng credit card number, pangalan, at birth date.
3. Call Scam
Sa uri ng scam na ito, ang caller ay humihingi ng One-Time Password (OTP), credit card number, o kaya nama’y nag-aalok ng trabaho kapalit ang pagpapadala ng pera.
4. Task/Job Scam
Sa scam na ito, nakatatanggap ng “offer” para sa isang online job ang user sa pamamagitan ng text message.
Kadalasan, inaabisuhan ng “employer” ang user na mag-deposit ng pera sa isang app o online platform para masimulan na ang nasabi nilang job offer.
5. Investment Scam
Sa gimik na ito, pinangangakuan ang isang tao na kikita ito ng malaking pera sa mabilis na paraan, sa pamamagitan ng ilang online investments tulad ng cryptocurrency at real estate.
Kadalasan itong nagsisimula sa mga libreng pa-seminar o training, pero kalauna’y hihingi na ng mga bayad sa mga karagdagang coaching session.
6. Love Scam
Dito ay kadalasang gumagamit ng “fake profile” ang scammer para makapangloko sa dating sites.
Matapos makipagpalagayang-loob sa isang user, hihingian ito ng pera at hindi na muling magpaparamdam matapos itong makuha.
7. Loan Scam
Kadalasan, target ng scam na ito ang mga negosyo na naghahanap ng “quick fix” sa kanilang gastusin.
Ang scammers na ito ay kadalasan ding nakikita online pero walang storefront o physical address.
8. Impersonation Scam
Sa gimik na ito, ginagaya ng scammer ang isang kilalang negosyo, bangko, o kaya nama’y malapit na kaibigan o kapamilya, para makahingi ng personal na impormasyon at pera.
9. Travel Scam
Sa scam na ito, kadalasang inaalok ang pekeng travel opportunities o mga serbisyo nito para makakuha ng malaking halaga ng pera mula sa user.
Kadalasan, ang scammer ay gumagamit ng nakaaakit na advertisements o websites na may malalaking vacation package at accomodation.
10. Charity Scam
Dahil ang pasko ay “season of giving,” sinasamantala ito ng ilan para para makakalap ng mga pekeng solicitasyon.
11. Middleman Scam
Ang scammers sa gimik na ito ay nagpapakilala bilang mapagkakatiwalaang tagapamagitan sa isang transaksyon.
Dito ay layon nilang huthutan ng pera ang mga nag-iinvest sa kanilang transaksyon.
12. Online Gambling Scam
Ang scam na ito ay nangyayari sa loob ng online sugal o gaming platforms, kung saan, pinangangakuan ng “rewards” ang user sa paglalagay nito ng taya.
Sean Antonio/BALITA