Pinatutsadahan ni Palace Press Officer and Communications Undersecretary Claire Castro ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes, Nobyembre 17.
Sa isang video statement na inilabas ng Pangalawang Pangulo, iginiit niyang nauunawaan daw niya ang galit ngayon ng publiko dahil sa isyu ng korapsyon kaugnay ng flood control scandal.
Bunsod nito, inihayag ni VP Sara na kaisa raw siya ng taumbayan sa mga gusto ng kalinawan hinggil sa alegasyong kinahaharap mismo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa umano'y budget insertion nito sa 2025 national budget na inilahad ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Patutsada ni Castro nang mahingan ng reaksyon nito ring Lunes, "Huwag magmalinis ang hindi malinis. Huwag magpakabayani ang hindi bayani."
"Totoong Filipinos deserve better kaya yung mga naunang issue sa Bise Presidente tungkol sa diumanong corruption sa confidential funds, DepEd ghost students, DepEd ghost food packs na nangyari sa pamumuno niya ay dapat na unahing maipaliwanag kung naniniwala sila sa transparency at accountability," gitt pa niya.
Binigyang-diin pa ni Castro na si Marcos ang nagpasimuno umano ng imbestigasyon ng mga anomalya na hindi umano nagawa ng nakaraang administrasyon.
"Si Pangulong Marcos, Jr. ang nanguna sa pagpapaimbestiga ng mga anomalya na hindi ginawa noong nakaraang administrasyon kahit naparaming ghost projects noon pang 2020," anang Palace Press officer.
"Again, Filipinos really deserve better kaya mamili ng tamang leader na iluluklok."