Naglabas ng mahabang pahayag si political strategist Malou Tiquia matapos mag-viral ang naging mainit na sagutan nila ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa special coverage ng TV5 kaugnay ng malawakang kilos-protesta sa EDSA at Iglesia ni Cristo (INC) kaugnay ng transparency at accountability sa isyu ng korapsyon sa pamahalaan.
Ayon sa Facebook post ni Tiquia, maraming nagpadala ng mensahe at tumawag sa kaniya matapos ang on-air exchange nila ni Castro, na nag-ugat nang tanungin niya ang huli kung alam ba niya kung nasaan si Orly Guteza.
Uminit ang palitan ng usapan nang tanungin ni Tiquia si Castro kung may alam umano ito sa kinaroroonan ng testigong si Orly Guteza, na kaugnay sa iniimbestigahang maanomalyang flood control project at ngayo’y hindi na mahagilap. Ipinagdiinan naman ni Castro na wala siyang alam sa kung nasaan si Guteza, at ang dapat tanungin ay sa kampo ng mga umano'y kaalyado ni Tiquia.
Si retired Marine TSgt. Orly Guteza, ang dating Senate witness na nagsiwalat umano ng paghahatid ng mga maleta na puno ng pera sa bahay ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Si Guteza ay ipinrisinta ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre.
Ibinahagi ni Tiquia ang ipinadalang mensahe ng isang kaibigan na nagtanong sa artificial intelligence (AI) upang malaman kung paano nito ilalarawan ang naging pag-uusap nila.
Sa ipinasa kay Tiquia na AI-generated assessment, inilarawan umano ng AI ang kanilang sagutan bilang isang pagtutunggalian sa pagitan ng “institutional defensiveness” at “policy-grounded accountability advocacy.”
Ayon sa paliwanag, si Castro umano ay gumamit ng bureaucratic at defensive frame, na nakatuon sa pagprotekta sa administrasyon. Si Tiquia naman, gumamit umano ng structural at governance-focused approach, na nakaangkla sa datos, integridad, at pananagutan.
Dagdag pa sa pagsusuri, napersonal umano ni Castro ang usapan, samantalang itinaas ni Tiquia ang diskurso tungo sa mas malawak na konteksto ng institusyon, sistemang pampamahalaan, at interes ng bansa.
Binanggit din umano sa AI assessment na “defensiveness" daw ang ipinamalas ni Castro habang kay Tiquia naman ay “analytical, precise, at nakaangkla sa rule of law,” na gumagamit ng datos at precedent.
Sa huli, nagbahagi si Tiquia ng mga aral sa nabanggit na exchange nila ni Castro nang live, sa national TV.
"Ano pong aral? Kung spox ka, sabi nga ng isang kaibigan: 'Spoxs should never lose their cool.' Pero sa comms, dapat alam mo kung paano ang framing, paano sasagot, anong mga kataga ang bibigkasin, at kung may mga dapat na di mo na sagutin. Institutional di personal. Data di emotions. Explaining not hitting," aniya.
Giit pa niya, "'The question is governance, not personal loyalty.'"
"'Facts were raised; none were refuted.'"
''What matters is public trust and national stability.”
"'In the end, in comms, be wary of the traps. See the forest not the trees and be conscious of who you are representing. Maraming salamat po," aniya pa.
Kaugnay na Balita: 'Debate, bati, uwi!' Nagkainitang sina Malou Tiquia, Claire Castro nag-groufie
Kaugnay na Balita: 'Nasaan si Guteza? Malou Tiquia, Claire Castro nagkapikunan, nagbardagulan sa TV!