Sa kabataan ng kasalukuyang panahon o “Gen Zs,” ang “unfriending” ang makabagong paraan ng rejection at pagpuputol ng koneksyon sa isang tao–”friendship over” o “F.O” sa iba pa nilang salita.
Ayon sa pag-aaral na nailathala sa Science Daily noong 2013, kumpara sa “real world” kung saan ang ilang relasyon ay kadalasang natural na napaglilipasan ng panahon, sa social media, bigla itong nagtatapos sa simpleng pagpindot lamang ng “unfriend” button.
Ang “National Unfriend Day” ay nagsimulang ilunsad ng komedyanteng si Jimmey Kimmel noong 2010 para mapuksa ang lumalagong trend ng social media accounts na tila nangongolekta ng social media friends na hindi naman talaga malalapit dito.
Sa pagkilala sa araw na ito at para na rin sa “paglilinis” ng social media accounts, narito ang listahan kung sino ba ang talagang dapat i-unfriend sa social media:
1. Ang “friend” na naging EX
Unang-una sa listahan ay ang mga EX.
Kaibigan man ito o nobyo/nobya, lahat ng tao ay dapat mag-move on na mula sa nakaraan, at magiging malabo ito kung may naiwan pang koneksyon sa taong ito.
2. Ang “friend” na laging may “sey” sa personal na buhay ng iba
Matatawag bang “friend” kung laging may negatibong nasasabi sa bawat post ng iba?
Hindi lamang ito limitado sa mga kaibigan–mayroon ding mga kamag-anak na ganito, at kadalasan, nagmumula ang komento nila sa inggit o itinatagong sama ng loob.
Para maiwasan ang potensyal na alitan at para maprotektahan ang sariling mental health, mas mainam ang i-unfriend ang social media “friend” na nakagawian nang maging “top fan” sa bawat posts.
3. Ang “friend” na laging nagpo-post ng mga parinig
Kadalasan sa mga parinig na ito, negatibo ang ipinahahayag para makuha ang atensyon ng isang partikular na tao.
Kung paulit-ulit o araw-araw ginagawa, maaaring ikonsidera ang unfriending sa taong gumagawa nito para maiwasan ang lubos na pagka-inis, at magkaroon ng maayos na komprontasyon sa personal o priavte message, kung malapit doon sa tao.
4. Ang “friend” na laging nagpo-post ng kritisismo sa mga politiko
Habang ang pagkakaroon ng opinyon sa mga kaganapan sa paligid ay mahalaga, ang mga kritisismo sa social media ay kadalasang nakapagdudulot ng lamat sa mga relasyon dahil sa hindi mapagkasunduang pagkakaiba ng pananaw.
Kung hindi madadala sa personal na pakiusap at nagdudulot na ng hindi pagkakaintindihan, maaari nang ikonsidera ang paga-unfriend para maiwasan ang negatibong posts na makikita sa news feed.
5. Ang “friend” na hindi naman talaga “friend”
Ang social media ay daan para makipag-usap sa mga malalapit na kaibigan, kamag-anak, katrabaho, o mga kaklase.
Mas maiiwasan ang pagiging “bombarded” o “overwhelmed” sa mga kaganapan sa news feed kung magbibigay-daan sa posts at updates ng malalapit na kakilala.
Sean Antonio/BALITA