December 12, 2025

Home BALITA

'Kaisa ako sa nandidiri sa pamahalaan!' VP Sara, binalikan mga pag-atake sa kaniya ng administrasyon

'Kaisa ako sa nandidiri sa pamahalaan!' VP Sara, binalikan mga pag-atake sa kaniya ng administrasyon
Photo courtesy: screengrab Inday Sara Duterte/FB

Binalikan ni Vice President Sara Duterte ang mga ininda niya raw na pang-aatake mula sa kasalukuyang administrasyon, bunsod ng pagpili raw niya hindi sumali sa pangg*g*g* nito sa taumbayan.

Sa isang video statement na inilabas ng Pangalawang Pangulo nitong Lunes, Nobyembre 17, 2025, iginiit niyang nauunawaan daw niya ang galit ngayon ng publiko dahil sa isyu ng korapsyon kaugnay  ng flood control scandal.

Sa kaniyang pahayag, binalikan niya kung ano umano ang dinanas niya noon bilang kalihim ng Department of Education (DepEd).

"Nauunawaan ko ang galit ng taong bayan dahil nasaksihan ko mismo kung paano minanipula ng House of Representatives ang budget ng Department of Education," ani VP Sara.

'Dedma kung dating hepe!' DILG, tiwalang kayang arestuhin ng PNP si Sen. Bato

Dagdag pa niya, "Sa halip na sundin ang listahan ng DepEd upang matugunan ang malalang kakulangan sa classrooms, mistulang ginawang pork barrel ang pondong nakalaan para sa kabataang Pilipino at pinaghati-hatian ng mga kongresistang malapit sa mga makapangyarihan."

Pagbabahagi pa ni VP Sara, ininda raw niya ang mga ibinato sa kaniya ng administrasyon para lamang daw mapagtakpan ang katiwalian sa 2025 national budget.

"Pinili kong huwag sumali sa pangg*g*g* sa taong bayan. Sa aking pagbitiw bilang kalihim ng DepEd, ininda ko ang kaliwa’t-kanan na atake, kasama na ang impeachment, para lamang mapagtakpan nila ang katiwalian sa 2025 budget," anang Pangalawang Pangulo.

Bunsod nito, inihayag ni VP Sara na kaisa raw siya ng taumbayan sa mga gusto ng kalinawan hinggil sa alegasyong kinahaharap mismo ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr., sa umano'y budget insertion nito sa 2025 national budget na inilahad ni Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.

"The President now faces a profound crisis of confidence, especially in the way these corruption investigations are being handled, which appear to lack both direction and resolve. We also seek clear answers on how a budget that deprived Filipinos of billions and billions of pesos was approved under his watch," saad ni VP Sara.

Aniya, "Kaisa ako ng milyong-milyong Pilipinong nadismaya at nandidiri sa pamahalaang lulong sa insekuridad at walang kabusugang kasakiman."