Napili bilang isa sa finalists ang Filipino mythology animation na “Anito” sa Asia TV Forum & Market (ATF) x TIES THAT BIND (TTB) Animation Lab & Pitch 2025.
Ang nasabing event ay gagawin sa Singapore mula Disyembre 2 hanggang 5, kung saan, layong pagsama-samahin ang mga piling animation producer mula Asya at Europa para i-train sa market launch at pitching ng kanilang proyekto.
Ayon sa website ng ATF, sa pamamagitan ng conference na ito, inaasahan na mas mapagyabong ang kaalaman ng mga bagong producer sa mga oportunidad ng co-production at distribusyon ng kanilang proyekto.
“The synergy between TTB and the ATF market is working, and ATF is not just a showcase: it’s an active springboard for talent and stories with international potential,” saad ni Alessandra Pastore, ang Animation Lab Manager sa TTB.
Ang Anito ay ginawa ni John Aurthur Mercader at na-produce ng Puppeteer Studios.
Umiikot ang kuwento nito sa 13-anyos na si Aaren, na napunta sa isang misteryosong mundo, kung saan, namumuhay ang mga sinaunang mitolohiya at alamat ng Pilipinas.
Kasama ang mga nilalang na sina Monda, isang pilyong nuno, at si Daro, na kapre, nakipagtulungan sila kay Aaren para magnakaw ng mga misteryosong relikya, kapalit ang pagbabalik niya sa mundo ng mga tao.
Sean Antonio/BALITA