December 14, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Debate, bati, uwi!' Nagkainitang sina Malou Tiquia, Claire Castro nag-groufie

'Debate, bati, uwi!' Nagkainitang sina Malou Tiquia, Claire Castro nag-groufie

Ibinahagi ni TV5 news presenter at isa sa mga naging host ng "Protesta," ang special coverage ng TV5 sa naganap na mga rally laban sa korapsyon, ang selfie nila kina political strategist Malou Tiquia at Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, habang naka-live sila.

Mababasa sa caption ng Facebook post ni Cosim, Linggo ng gabi, Nobyembre 16, "On-air tension, off-air manners. Ganyan talaga—debate, bati, uwi."

Kalakip ng post ni Cosim ang nag-viral na video clip sa naganap na mainit na sagutan nina Tiquia at Castro, gayundin ang ilang mga larawan nila ng co-hosts na sina Ed Lingao at Angela Lagunzad-Castro kasama ang dalawa, na magkatabi at tila okay na.

Uminit ang palitan nang tanungin ni Tiquia si Castro kung may alam umano ito sa kinaroroonan ng testigong si Orly Guteza, na kaugnay sa iniimbestigahang maanomalyang flood control project at ngayo’y hindi na mahagilap.

Tsika at Intriga

'Mapapasubo?' Doris Bigornia, kakayanin 8 MMFF movies basta ka-date si Atom Araullo

Si retired Marine TSgt. Orly Guteza, ang dating Senate witness na nagsiwalat umano ng paghahatid ng mga maleta na puno ng pera sa bahay ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Si Guteza ay ipinrisinta ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre.

“Si Guteza, siguro alam ni Usec kung nasaan si Guteza,” ani Tiquia, na ikinabigla ng kaniyang co-panelist.

Agad na tumugon si Castro: “Bakit naman sa akin ibibintang? Baka kayo… tutal kayo naman ang may kakilala diyan!”

Hindi naman umatras si Tiquia at sinabing, “Eh hindi, ikaw ang nasa gobyerno eh.”

Mabilis namang depensa ni Castro, “Pero teka lang, sino ba ang nag-present sa kaniya? Mga kaalyado n’yo ‘yong nagpresenta sa kanila.”

Mariing itinanggi ito ni Tiquia. “Ay hindi, ‘yan ang propaganda. Biro mo ang assertion mo, ako kasama?”

Hindi pa rin nagpatalo si Castro at muling nagtanong: “Eh bakit mo hinahanap sa akin? Baka alam mo?”

Dito na nagbigay ng maikling tugon si Tiquia: “Alam ko kung ikaw ang estado… never mind. I respect the show.”

Ngunit lalong uminit ang tensyon nang sumagot si Castro ng, “Don’t start kasi. You put something to me!”

Sabat naman muli ni Tiquia: “But you are representing government!”

Sa puntong ito, kapansin-pansin ang tumitinding iringan ng dalawa.

Mariing giit pa ni Castro: “But still, bakit ko malalaman? Hindi ako ang nag-present diyan. Bakit mo sa akin ipapaturo na malamang alam ko?”

"You can always say it in a very nice way without insulting people," barda naman ni Tiquia.

"You don't have to start," giit pa rin ni Castro.

Maya-maya, umawat na si Ed Lingao dahil hindi na mapigilan ang dalawa sa kanilang bardagulan. Tinanong na lang niya ang dalawa kung may impormasyon ba ang dalawa kung nasaan si Guteza.

Sagot ni Tiquia, may nakapagsabi raw sa kaniyang nasa kustodiya raw ng mga ahensya ng gobyerno si Guteza kasama ang pamilya.

Giit ni Tiquia, isa lang siyang ordinaryong mamamayan na napagsabihan tungkol dito dahil hindi raw siya taga-gobyerno.

Singit naman ni Cheryl, natanong na nila ang Marines tungkol dito subalit hindi raw nila alam, kaya malamang daw, ang dapat nang tanungin ay si Mike Defensor.

Nagpatuloy pa rin ang coverage ngunit naging sentro ng usapan sa social media ang iringan ng dalawang panelists, na umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga manonood.

Kung pagbabatayan naman ang caption ni Cheryl at groufie o group selfie nila, mukhang nagkaayos naman sina Tiquia at Castro bago sila maghiwa-hiwalay. 

Kaugnay na Balita: 'Nasaan si Guteza? Malou Tiquia, Claire Castro nagkapikunan, nagbardagulan sa TV!