December 12, 2025

Home BALITA National

Castro sa akusasyon ni Sen. Imee na 'drug addict' umano si PBBM: 'Desperadong galawan'

Castro sa akusasyon ni Sen. Imee na 'drug addict' umano si PBBM: 'Desperadong galawan'
screengrab: Claire Castro/YT, Imee Marcos/FB

'NAKAKAHIYA, SENATOR IMEE, NAKAKAHIYA'

Nagsalita si Palace Press Officer and Usec. Claire Castro hinggil sa akusasyon ni Senador Imee Marcos sa sariling kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos, na ito raw ay gumagamit diumano ng illegal na droga.

Matatandaang tahasang sinabi ni Sen. Imee sa kilos-protesta ng Iglesia Ni Cristo (INC) noong Lunes, Nobyembre 17, na gumagamit diumano ng droga ang pangulo.

“Batid ko na nagda-drugs siya,” walang pag-aalinlangang pahayag ng Senador. 

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Bukod dito, nabanggit din ni Sen. Imee ang misis ni PBBM na si First Lady Liza Araneta-Marcos.

Aniya, mas lumala diumano ang pagkalulong ng kaniyang kapatid. 

“Naisip ko noon, kapag nag-asawa siya, malalagay na sa tahimik at magkakaroon ng direksyon. Ang laki ng pagkakamali ko. Mas lumala ang kaniyang pagkalulong sa droga dahil parehas pala silang mag-asawa,” anang senadora. 

Maki-Balita: Sen. Imee Marcos, nilantad sa INC rally na gumagamit diumano ng droga si PBBM

Samantala sa isang livestream ni Castro nitong Lunes ng gabi, tahasan din niyang sinabi na "desperadong galawan" ni Sen. Imee laban sa sarili nitong kapatid ang naging pahayag niya. 

"Ano ang dahilan ng desperadong galawan ni Senator Imee Marcos laban sa sarili niyang kapatid at pati kay First Lady kundi makapanira lamang," anang Palace Press Officer.

Giit pa ni Castro, desperadong hakbang daw ito upang ilihis ang atensyon sa isinasagawang imbestigasyon sa malawakang korapsyon. 

"Hindi ba siya natutuwa na yung kapatid niya mismo, ang Pangulong Marcos Jr., ang nag-umpisa para imbestigahan ang mga maaanomalyang flood control projects na 'to," pangunguwestiyon pa niya.

"Ngayon ang Pangulo mismo, gustong luminis ang bansang ito, bakit nagiging hadlang si Senator Imee Marcos. Anong gusto mong patunayan sa mga sinabi mong ganyan? Matagal nang issue ito at napatunayang hindi totoo ang bintang na 'yan," ani Castro.

"Ginawa n'yo 'yan para siraan lamang ang Pangulong Marcos Jr. Nagpagawa pa kayo ng AI generated na video pero noong hindi umubra at napatunayang peke, lahat na lang ng pagbibintang para masira ang Pangulo, ginawa n'yo. Pero lahat 'yan peke. Lahat 'yan fake news," pagdidiin pa ni Castro.

Kasunod nito ay hinamon niya ang Senadora na tumulong sa ginagawang imbestigasyon ng kaniyang kapatid. 

"So, Senator Imee, sana naman maging makabayan ka. Tumulong ka po sa pag-iimbestigang ginagawa ng sarili n'yong kapatid. Tuligsain na lahat ang mga korap," ani Castro. 

"Huwag n'yo pong kampihan, huwag n'yong itago. Hayaan natin magtrabaho ang Pangulong Marcos Jr. para masawata lahat itong korapsyon na 'to," dagdag pa niya. 

Ayon pa kay Castro, huwag sirain ni Sen. Imee ang pangulo. 

"Kung totoong maka-Pilipino ka at totoong makabayan ka, Senator Imee, tumulong ka sa pag-iimbestiga. Dapat na ma-pinpoint, dapat maituro kung sino talaga ang sangkot sa korapsyon," aniya.

"Huwag mong sirain ang kapatid mo. Hindi ito ang issue ngayon. Matagal nang issue 'to pero since wala kayong makita sa Pangulo na anumang issue ng korapsyon, kung saan saan n'yo dinadala ang issue.

"Nakakahiya, Senator Imee. Nakakahiya," pagtatapos ni Castro. 

 

Inirerekomendang balita