Nagbigay ng reaksiyon si SAGIP Party-list Rep. Paolo Marcoleta kaugnay sa panawagang magbitiw sa pwesto si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Sa eksklusibong panayam ng Balita nitong Lunes, Nobyembre 17, sinabi ni Marcoleta na hindi niya mapipigilan kung ano man ang maging saloobin ng mga tao.
“Hindi ko mapipigilan kung ano ang maging saloobin ng tao. Dahil kanila ‘yon, e. Kanilang saloobin ‘yan. Pero sa amin, pakinggan nila ang boses ng mamamayan. Accountability, transparency, at justice,” saad ni Marcoleta.
Kaya naman umaasa ang kongresista na pagkatapos ng kaliwa’t kanang protesta ay may mapapanagot na sa isyu ng korupsiyong ito sa Pilipinas.
Aniya, “‘Yon lang naman ang hinihingi ng mga tao, e. Managot ang mga dapat managot. Makasuhan ang dapat makasuhan. Pakinggan ng gobyerno at huwag magkibit-balikat.
Kabilang si Marcoleta sa mga dumalo sa ikalawang araw ng “Rally for Peace, Stability, and Transparency” na inorganisa ng United People’s Initiative (UPI) sa EDSA People Power Monument.