Tatlong kawatan ng motorsiklo ang natimbog ng pulisya matapos nilang ibenta sa mismong may-ari ang dinali nilang motor sa Kidapawan City.
Ayon sa mga ulat, naka-post umano sa Facebook Marketplace ang nasabing nakaw na motorsiklo kung kaya't nagka-ideya ang biktima na makipagtransaksyon sa mga suspek.
Noong Setyembre 1, 2025 daw na dinali ng mga kawatan ang motorsiklo ng biktima, kaya agad daw itong napilitang makipag-ugnayan sa pulisya, nang makita niya ito sa listing mula sa nasabing online platform.
Napagkasunduan ng biktima at mga suspek na magkita noong Nobyembre 16, bandang 10:00 ng umaga kasabay ng entrapment operation na ikinasa ng pulisya.
Samantala, matagumpay namang nasakote ng mga awtoridad ang tatlong suspek kung saan 24-anyos ang pinakabata at 26 taong gulang naman ang pinakamatanda.
Muli ring nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko hinggil sa pagbili ng mga secondhand na mga sasakyan at hinimok na agad na makipag-ugnayan sa kanila kung sakaling may mapansin na kahina-hinala.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang mga suspek na nahaharap sa kaukulang kaso.