Usap-usapan ang umano'y Facebook post ni GMA news presenter at "Unang Hirit" host Susan Enriquez kaugnay ng kontrobersyal na exposé ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co tungkol sa umano’y ₱100 bilyong insertions sa national budget na ibinibintang niya kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, sa pamamagitan ng dalawang video statements noong Nobyembre 14 at 15.
Pinatotohanan din ni Co ang mga naunang testimonya ng testigong si retired Marine TSgt. Orly Guteza tungkol sa umano'y paghahatid ng mga maleta na puno ng pera sa bahay nina PBBM at ex-HS Romualdez sa Forbes Park.
Giit din ni Co na wala raw siyang natatanggap na anuman mula sa kaban ng bayan, taliwas sa mga naunang lumalabas na alegasyon tungkol sa kaniya.
Minabuti na raw ni Co na magsalita upang nang sa gayon ay matapos na ang mga ibinibintang sa kaniya, sapagkat siya raw ang idinidiin sa usapin.
Sa verified Facebook post na nakapangalan sa kaniya, tila diretsahang inilahad ni Enriquez ang kaniyang reaksyon tungkol dito.
Mababasa sa post, "Kawawa naman pala siya. [Wala] daw napuntang pera sa kanya."
"Ewan ko sa iyo Zaldy Co."
"Baka gusto mo patayuan ka namin ng bantayog."
"Walang hero sa inyo. Pare-pareho kayong magnanakaw, wala kayong pakialam sa taong bayan na napeperwisyo ng pagkaganid n’yo," aniya pa na mababasa na sa comment section ng kaniyang post.
Photo courtesy: Screenshots from Susan Enriquez/FB
At dahil verified FB account, na nangangahulugang posibleng si Susan talaga ang nasa likod ng post, naging usap-usapan ito at nagngitngit din sa galit ang mga netizen na nag-react sa kaniyang post.
"Walang napunta sa kanya pero afford ng anak mag pa dinner worth 500k at may mga helicopter sya. Kawawa talaga"
"Hiyang-hiya na talaga tau sa kanya."
"Maam Susan Enriquez bobo lang talaga maniniwala sa kawatan na yan hahaha may eroplano, luxury resort, houses, mga luho and kung ano ano pa tapos wala??? Siraulo na ata yan."
"Nakakahiya sa kanya! Sya pa yung biktima pala."
Samantala, inaabangan na ng mga netizen ang part 3 ng kaniyang video.
Nakipag-ugnayan naman ang Balita kay Susan Enriquez upang kumpirmahin kung siya ba talaga ang nasa likod ng nabanggit na verified Facebook account na may 235,000 followers subalit wala pa siyang tugon tungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.
MGA KAUGNAY NA BALITA:
Maki-Balita: Zaldy Co, wala raw natanggap sa umano'y ₱100B insertions nina PBBM, ex-HS Romualdez
Maki-Balita: Zaldy Co, inilabas mga resibo ng mga maletang hinatid umano kina PBBM, ex-HS Romualdez
Maki-Balita: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
Maki-Balita:
Maki-Balita: Zaldy Co, inilabas mga resibo ng mga maletang hinatid umano kina PBBM, ex-HS Romualdez