December 13, 2025

Home BALITA National

'Nasaan si Guteza? Malou Tiquia, Claire Castro nagkapikunan, nagbardagulan sa TV!

'Nasaan si Guteza? Malou Tiquia, Claire Castro nagkapikunan, nagbardagulan sa TV!
Photo courtesy: Screenshot from TV5 (FB)/via MB

Nauwi sa mainit na sagutan ang special coverage ng TV5 tungkol sa rallies kontra korapsyon nitong Linggo, Nobyembre 16, matapos na tila magkapikunan nang live sina Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro at political analyst na si Malou Tiquia, na parehong nasa studio ng estasyon bilang panelists.

Parehong panauhin sa TV5 studio ang dalawa, na nasa dulo ng hosts na sina Ed Lingao, Cheryl Cosim, at Angela Lagunzad-Castro

Uminit ang palitan nang tanungin ni Tiquia si Castro kung may alam umano ito sa kinaroroonan ng testigong si Orly Guteza, na kaugnay sa iniimbestigahang maanomalyang flood control project at ngayo’y hindi na mahagilap.

Maki-Balita: 'Nasaan si Orly?' DOJ, hindi rin daw alam kung nasaan si Guteza

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

Si retired Marine TSgt. Orly Guteza, ang dating Senate witness na nagsiwalat umano ng paghahatid ng mga maleta na puno ng pera sa bahay ni Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Si Guteza ay ipinrisinta ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Setyembre.

Maki-Balita: 'Male-maletang pera!' Zaldy Co, kinumpirma naging testimonya ni Orly Guteza

“Si Guteza, siguro alam ni Usec kung nasaan si Guteza,” ani Tiquia, na ikinabigla ng kaniyang co-panelist.

Agad na tumugon si Castro: “Bakit naman sa akin ibibintang? Baka kayo… tutal kayo naman ang may kakilala diyan!”

Hindi naman umatras si Tiquia at sinabing, “Eh hindi, ikaw ang nasa gobyerno eh.”

Mabilis namang depensa ni Castro, “Pero teka lang, sino ba ang nag-present sa kaniya? Mga kaalyado n’yo ‘yong nagpresenta sa kanila.”

Mariing itinanggi ito ni Tiquia. “Ay hindi, ‘yan ang propaganda. Biro mo ang assertion mo, ako kasama?”

Hindi pa rin nagpatalo si Castro at muling nagtanong: “Eh bakit mo hinahanap sa akin? Baka alam mo?”

Dito na nagbigay ng maikling tugon si Tiquia: “Alam ko kung ikaw ang estado… never mind. I respect the show.”

Ngunit lalong uminit ang tensyon nang sumagot si Castro ng, “Don’t start kasi. You put something to me!”

Sabat naman muli ni Tiquia: “But you are representing government!”

Sa puntong ito, kapansin-pansin ang tumitinding iringan ng dalawa.

Mariing giit pa ni Castro: “But still, bakit ko malalaman? Hindi ako ang nag-present diyan. Bakit mo sa akin ipapaturo na malamang alam ko?”

"You can always say it in a very nice way without insulting people," barda naman ni Tiquia.

"You don't have to start," giit pa rin ni Castro.

Maya-maya, umawat na si Ed Lingao dahil hindi na mapigilan ang dalawa sa kanilang bardagulan. Tinanong na lang niya ang dalawa kung may impormasyon ba ang dalawa kung nasaan si Guteza.

Sagot ni Tiquia, may nakapagsabi raw sa kaniyang nasa kustodiya raw ng mga ahensya ng gobyerno si Guteza kasama ang pamilya.

Giit ni Tiquia, isa lang siyang ordinaryong mamamayan na napagsabihan tungkol dito dahil hindi raw siya taga-gobyerno.

Singit naman ni Cheryl, natanong na nila ang Marines tungkol dito subalit hindi raw nila alam, kaya malamang daw, ang dapat nang tanungin ay si Mike Defensor.

Nagpatuloy pa rin ang coverage ngunit naging sentro ng usapan sa social media ang iringan ng dalawang panelists, na umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa mga manonood.