Hindi napigilan ni Kapuso Primetime Queen Marian Rivera ang maging emosyonal matapos mapanood ang documentary special ng GMA Public Affairs na hinost ng mister na si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na tumatalakay sa isyu ng mga ghost projects.
May pamagat ang dokyu na "Broken Roads, Broken Promises" na nagtampok sa iba't ibang mga ghost projects.
Sa isang heartfelt social media post, ibinahagi ng Kapuso Primetime Queen kung gaano siya naapektuhan ng mga kuwento ng mga pamilyang nasaktan at nawalan dahil sa mga proyektong hindi natupad.
“Kagabi pagkatapos ko manood, hindi ko maalis sa isip ko ang mga taong pinaka-apektado. Iba talaga ang bigat kapag nakikita mo sila—mga pamilyang pinagkaitan ng ginhawa dahil sa mga ghost project na hindi natupad. Nakakadurog ng puso na malaman na dapat sana’y may tulong, may pag-asa… pero nauwi sa wala," aniya.
Ayon kay Marian, hindi lamang ito simpleng dokumentaryo—isa itong “wake-up call” para sa lahat, lalo na’t ipinapakita nito ang totoong mukha ng mga problemang matagal nang kinakaharap ng ilang komunidad.
“Kaya malaking pasasalamat ko sa documentary na ito—isang wake-up call na kailangan nating lahat. Salamat sa pagbukas ng mata ng marami.”
Hindi rin nakalimot si Marian na purihin at pasalamatan ang kaniyang asawa, na sa pamamagitan umano ng kaniyang boses at plataporma ay naiparirinig ang saloobin ng mga ordinaryong Pilipino.
“And to my husband, salute to you. Thank you for using your voice so others can finally be heard," aniya.
Ibinahagi rin ni Marian ang naging post tungkol dito ni Dingdong.
"Salamat sa mga tumutok kagabi. Telling these stories changed the way I see our people, our struggles, and our strength. I’m sharing my reflections here—hoping they help deepen the understanding and urgency these issues deserve."
"Thank you, GMA Public Affairs, for the trust and the opportunity," saad ni Dingdong.