Nagbitiw ng maaanghang na salita si Senador Rodante Marcoleta laban sa binuong Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng gobyerno.
Sa ginanap na “Rally for Transparency and a Better Democracy" ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirinio Grandstand nitong Linggo, Nobyembre 16, sinabi niya sa kaniyang talumpati na hindi umano independent ang naturang komisyon.
Aniya, “Tinatanong ko po kung paano naging independent ang ginawa nilang ito samantalang sila ay humihingi ng tulong sa House of Representatives, humihingi ng sa impormasyon sa Senado, humihingi ng impormasyon sa Sandiganbayan, sa mga korte, at sa lahat ng opisina ng ating pamahalaan.”
“Hindi siya independent. At hindi ipinapakita ang kanilang proceedings. Ilang ilanggo na ang nakakaraan, nag-submit ng affidavit ang dating Speaker ng House of Representatives. Mayroon po bang nakakaalam sa inyo ng pangyayaring ito?” dugtong pa ni Marcoleta.
Kaya naman lumalabas umanong nililihis ng gobyerno ang katotohanan sa publiko.
Matatandaang nauna nang nakatanggap ng batikos ang ICI dahil sa hindi pagsasapubliko sa mga ginagawa nitong pagdinig.
Maki-Balita: Pangilinan sa ICI: 'Please do not test people's patience'
Samantala, matapos ang kaliwa’t kanang panawagan, inihayag ni ICI chairman Andres Reyes, Jr. na binabalak nila itong i-livestream. Ngunit naudlot din naman ito kalaunan ayon kay ICI Executive Director Brian Keith Hosaka
Maki-Balita: ICI hiniling sa DOJ na maglabas ng lookout bulletin order sa ilang senador, solon, at iba pa