Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Atty. Manuelito Luna hinggil sa direksyon ng imbestigasyon sa kontrobersyal na flood control projects, sa gitna ng patuloy na pag-usisa ng pamahalaan.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Luna nitong Linggo, Nobyembre 16, 2025, igiiniit niyang malinaw umanong may mga haharap sa kaso at posibleng makulong, ngunit pawang ang “maliliit na isda” lang daw ang mga ito.
“Mayroong makukulong, definitely, pero mga small fish lang nakikita natin,” aniya.
Binanggit ni Luna na mababa ang kumpiyansa nila na mapapanagot ang ilang kongresista at mataas na opisyal na umano’y nadawit sa anomalya, kabilang ang mga taong pinangalanan ng dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
“Ibig sabihin, yung malalaking isda, like kongresista at yung ibang mga pinangalanan ni Zaldy Co like former Speaker Martin Romualdez, duda kami na makukulong sila,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din ni Luna ang umano’y “paglilinis” sa pangalan ni dating House Speaker Martin Romualdez kahit hindi pa natatapos ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at iba pang ahensya.
“You are clearing him na hindi pa nga tapos ang imbestigasyon. So paano ‘yan mapanagot? Paano makukulong ‘yan?” ani Luna, sabay giit na tila nagkakaroon ng paunang absolusyon sa ilang personalidad.
Sa kabila nito, sinabi ni Luna na malinaw ang pananagutan ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga contractor na sangkot sa implementasyon ng flood control projects na iniimbestigahan. “Pero ‘yung mga contractor at maliliit na isda, mga DPWH officials, walang duda! Makukulong ang mga ‘yon,” aniya.
Ipinahayag din ni Luna ang hinaing ng grupo at ng mga karaniwang mamamayan hinggil sa tila paulit-ulit na pattern ng imbestigasyon kung saan ang mga nasa mababang posisyon lamang ang nakakasuhan at nakukulong.
“Yung malalaking isda, hindi sila makukulong. ‘Yon ang aming hinanakit! Bilang taxpayers, bilang Pilipino,” wika ni Luna.