Kasabay ng mga makukulay na karatula, malalakas na sigaw ang palatandaan ng kaliwa’t kanang demonstrasyon ng maraming grupo sa bansa, sa layong maiparating sa pamahalaan ang ninanais na hustisya at pananagutan sa mga proyekto nito.
Isa sa mga kilos-protesta na ginanap nitong Linggo, Nobyembre 16, ay ang “Accountability, Justice, and Integrity” rally ng grupong United People’s Initiative (UPI) sa EDSA People Power Monument.
Kung saan, ito ay dinaluhan ng higit 2,000 katao, ayon sa Quezon City Police District (QCPD), at inaasahan pang dadagsain sa mga susunod pa nitong rally sa Lunes, Nobyembre 17 hanggang Martes, Nobyembre 18.
Gayunpaman, bukod sa mga sigaw sa panawagang ito, ang isa pang bumubuhay sa mga demonstrasyon ay ang mga tindero’t tindera na sa patuloy nilang pagkayod sa kasagsagan ng pagtaas ng mga emosyon ay nagbibigay lakas din sa mga raliyista.
Sa eksklusibong panayam ng Balita sa ilang vendors sa kasagsagan ng “Accountability, Justice, and Integrity” rally sa EDSA, ibinahagi nilang bagama’t 4 PM pa ang opisyal na pagsisimula ng demonstrasyon, umaga pa lamang ay naka-standby na sila sa layong mas makabuenas nang marami.
Para sa iba na katulad ni Harry na nagtitinda na ng tubig simula pa 8 AM, di hamak na mas malaki ang kinita niya sa rally kaysa sa normal na araw, na kadalasan ay sakto lang ang nauuwi niya.
“Okay naman, sakto lang. Kung may sobra man, ayos lang,” paglalarawan niya sa kita niya sa mga ordinaryong araw.
Gayundin kay Reynalyn na nagtitinda na ng tsitsirya at yosi, simula pa 7 AM, mas maluwag ang benta niya sa rally dahil sa dami ng tao.
Ngunit pagdating kay Caloy, na sorbetero, nanatiling matumal ang kaniyang benta sa kabila ng dagsa ng mga tao.
Maging kay Marissa na umiikot na dala ang kaniyang iced candy sa lokasyon simula pa 11:30 AM, na nanatiling halos walang bawas ang paninda hanggang hapon.
Para masulit ang tatlong araw na protesta, karamihan sa vendors na ito ay mananatili sa lokasyon hanggang Nobyembre 18, bukod kay Marissa na hanggang Lunes na lamang ang pag-iikot rito.
Ang vendors na ito ang patunay ng determinasyon sa kabila ng mga pakikibaka sa katiwalian, at pangarap na makaahon mula sa kahirapan.
Sa kanilang pagsisikap, ipinapakita rin na minsan, ang patuloy na pagkayod ay paraan din ng panawagan nila sa pananagutan.
Sean Antonio/BALITA