Ibinahagi ng ilang miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang posibleng maging bunga ng ikinasa nilang “Rally for Transparency and a Better Democracy" sa Quirino Grandstand.
Layunin ng tatlong araw na protestang ito na isulong ang accountability at pananagutan sa mga usaping panlipunan.
Maki-Balita: PDP Laban sasali sa ikakasang rally ng INC, UPI
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay “Rolando” nitong Linggo, Nobyembre 16, sinabi niyang inaasahan niyang magkakaroon na ng resulta ang mga gumugulong na imbestigasyon hinggil sa katiwalian.
“Magkaroon na ng resulta ‘yong imbestigasyon At dapat makulong na ang dapat makulong,” saad niya.
Sundot naman ng isa pang miyembro ng Iglesia, “Maayos ang lahat ng kaguluhan sa Pilipinas. Matupad sana ang lahat ng ipinangako ng mga dating pamunuan at maalis na ang katiwalian.”
Samantala, para naman sa kabataang si “KC,” umaasa siyang magiging transparent ang gobyerno sa mga ginagawa nitong pagsisiyasat.
“After the 3-day rally po we’re expecting po for the government to be transparent for the investigation and to be [accountable],” aniya.
As of 6:00 p.m., ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), umabot na sa 650,000 ang crowd estimate ng mga dumalo sa isinagawang kilos-protesta ng INC sa Quirino Grandstand.