“Hindi ko ito narating mag-isa!” Sa muli niyang pagbabalik sa music scene, nag-alay ng mahabang pasasalamat ang singer-songwriter na si Zia Quizon sa kaniyang pamilya, mga malapit na kaibigan, at fans.
Sa kaniyang Instagram update noong Biyernes, Nobyembre 14, isang long message ang inilaan ni Zia para magpasalamat sa matagumpay na launch ng bago niyang single na “Reto Na Naman.”
Unang-una sa kaniyang mga pinasalamatan ay ang ina na si Zsa zsa Padilla.
“Thank you to everyone,” panimula ng singer.
“Mama @zsazsapadilla for putting up with me for all these years and still loving me anyway. I love you,” tribute ni Zia sa kaniyang ina.
Sumunod ay sa mga katrabaho at producers na tumulong sa paghubog ng bago niyang proyekto bilang artist, mula sa music producer na si Jungee Marcelo, Star Music, Cornerstone Entertainment, hanggang sa bandang Day One.
Hindi rin nawala ang mensahe para sa kaniyang supportive husband at mga kaibigan na walang sawang umalalay sa singer.
“My loving and supportive husband (whom there is nowhere to tag so don’t even bother) and friends who remind me who I am when I forget,” saad ni Zia.
Maging ang tribute sa ama at “King of Comedy” na si Dolphy, na humubog sa kaniyang positibong pananaw sa mundo.
“And of course, Papa. For teaching me that, if we are lucky, all we can do to live our lives with meaning is to spend it giving joy to this world. And if we’re even luckier, it is through something we love to do,” aniya.
Panghuli, para sa fans na walang sawang naghintay sa muli niyang pagbabalik.
“Last but certainly not least, is you. Whoever is still reading this, for however long you have been there: thank you,” saad ni Zia sa kaniyang fans.
Inilabas ni Zia ang kaniyang single na "Reto Na Naman" sa Dolphy Theater ng ABS-CBN noong Huwebes, Nobyembre 13.
Sa kaugnay na ulat, unang nakilala si Zia noong Oktubre 2011 sa orihinal niyang kanta na “Ako Na Lang,” isinulat ni Jungee Marcelo.
Sinundan ito ng kaniyang second single na “Dear Lonely” na isinulat naman ni Kiko Salazar.
Ang debut album ni Zia ay binuo ng anim na track, kung saan anim dito ay orihinal na komposisyon at ang iba naman ay song covers.
Taong 2013, inilabas ng singer ang kanta niyang "Bakit Hindi Ka Crush Ng Crush Mo?" mula sa pangalawa niyang album na "A Little Bit Of Lovin.”
Ang pangalawang album niya na ito ay binubuo ng sampung tracks, kung saan walo rito ay orihinal na komposisyon at ang dalawa ay song covers.
Sean Antonio/BALITA