Mariing itinanggi ng Philippine National Police (PNP) ang kumakalat na impormasyon online na nagsasabing may malaking pagtitipon na umano sa Mendiola bago ang nakatakdang tatlong araw na assemblies mula Nobyembre 16 hanggang 18, 2025.
Ayon sa PNP, batay sa ground verification ng kanilang monitoring teams, mali, mapanlinlang, at sinadya ang mga kumakalat na larawan at video upang magdulot ng hindi kinakailangang pangamba at kalituhan sa publiko.
“Ground verification by our monitoring teams confirms that these posts are false, misleading, and deliberately crafted to create unnecessary alarm and confusion,” anang PNP.
Ipinakita rin ng PNP ang kasalukuyang sitwasyon sa lugar, na malayong iba kumpara sa mga ipinapakitang posts sa social media.
Saad pa ng PNP, “The PNP issues situation updates and alerts based on validated assessments from units on the ground—not on speculation or fabricated reports.”
Hinimok ng PNP ang publiko na huwag magpagoyo sa hindi beripikadong impormasyon at sumangguni lamang sa opisyal na advisories ng pamahalaan at mga lehitimong balita. Iginiit ng PNP na ang mga sitwasyon at alerts ay ibinabase nila sa validated assessments mula sa kanilang mga unit, at hindi sa mga haka-haka o pinalalayang pekeng ulat.
Tiniyak ng PNP na handa ang kanilang mga tauhan sa seguridad, trapiko, at public safety upang masiguro ang ligtas at maayos na pagdaloy ng aktibidad sa Metro Manila simula bukas. Sinabi rin nilang anumang mahalagang pagbabago o crowd development ay agad nilang ipaaabot sa pamamagitan ng opisyal na channels.
Binalaan naman nila ang publiko na ang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon, lalo na kung naglalayong magdulot ng panic, ay may kaakibat na legal na pananagutan. Kasama ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), magsasampa sila ng kaso laban sa sinumang indibidwal o grupong responsable sa paglikha o pagpapakalat ng disinformation.
Anila, “We also remind the public that the willful and malicious dissemination of false information, especially when intended to mislead or cause public panic, carries legal consequences.”
Nanawagan ang PNP sa publiko na manatiling kalmado at maalam, at suportahan ang mga hakbang upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa nalalapit na tatlong-araw na pagtitipon.
.