Ibinahagi sa publiko ni Navotas City lone district Rep. Toby Tiangco ang kamakailan umanong nagalit si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kina dating House Speaker Martin Romualdez, at dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co dahil sa “sobrang” korapsyon na ginagawa ng mga ito sa Kamara.
Ayon sa naging panayam ng One News kay Tiangco nitong Sabado, Nobyembre 15, ikinuwento niya ang umano’y naging pagpupulong nila ng Pangulo at ni Romualdez noong Nobyembre 2024. “Pinatawag kami, it was a family Sunday lunch,” pagsisimula niya.
“When I arrived there, wala si former Speaker Martin Romualdez. Pinatawag niya [PBBM], I think he get invited that time. Dumating siya [Romualdez] doon and after lunch, pinapasok kami doon sa parang office ni [PBBM] .Pag-upong pag-upo namin, nagalit siya[...]” dagdag pa niya.
Pagpapatuloy ni Tiangco, nakita raw niyang biglang nagalit si PBBM kay Romualdez at Co dahil sa umano’y pagkuha ng dalawa sa pondo ng House of the Representatives.
“Pag-upo namin, sabi niya, ‘Martin, kayo ni Zaldy, kinukuha n’yo lahat ng pera ng executive branch. ‘Yong mga flagship projects, kinukuha n’yo ‘yong mga pondo. Kaya’t tatlong taon na ako dito, wala pa akong napapagawa dahil sobra na kayo sa Congress at sobra ang corruption diyan sa inyo sa Congress,’” pagkukuwento ni Tiangco.
Pahabol pa niya, “at sabi niya [ni PBBM], ‘alam mo na wala akong natatanggap diyan,’”
Samantala, matapos umano ang naging pagpupulong nila, nangako raw si Romualdez kay PBBM na maibalik ang mga flagship projects at iba pang mga kinakailangan sa budget.
“Ang nangyari noong January, hindi na-restore, hindi naman natupad ‘yon[...] tinanggal namin si Zaldy Co as [Appropriation] chairman,” giit ni Tiangco.
Dagdag pa niya, “after that[...], sinabi ko na dati pa, pina-hold niya lahat ng items na pumasok sa insertion[...] Kaya nga ako nasama sa gulong ito dahil sa akin pinaaral kung ano ‘yong mga insertions na ‘yon.”
“I know as of July 29, parang 80 plus billion [pesos] ‘yong hindi na mare-release out of 209 na insertion ng House of the Representative,” paglilinaw pa ng nasabing congressman.
Dahil daw rito, naniniwala rin si Tiangco na mayroong ginawa sina PBBM, Romualdez, at Co kaugnay sa nasabing anomalya sa mga insertions sa budget ng bansa.
Samantala, wala pa namang inilalabas na pahayag ang Pangulo at si Romualdez kaugnay rito.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
MAKI-BALITA: Zaldy Co, wala raw natanggap sa umano'y ₱100B insertions nina PBBM, ex-HS Romualdez
MAKI-BALITA: Zaldy Co, inilabas mga resibo ng mga maletang hinatid umano kina PBBM, ex-HS Romualdez
Mc Vincent Mirabuna/Balita