Tila naghamon ang aktor at dating politiko na si Anjo Yllana sa iba’t ibang ahensya ng Philippine Defense matapos batuhan ng mabibigat ng akusasyon ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa videong inupload ni Anjo sa kaniyang TikTok accout noong Biyernes, Nobyembre 14, tinukoy niya ang pagsuplong kamakailan ni Co sa Pangulo at kay Romualdez.
“Kumanta na kung sino talaga ang mastermind,” pagsisimula niya.
Photo courtesy: Anjo Yllana (TikTok)
Dahil dito, nagawang manawagan ni Anjo sa iba’t ibang sangay ng Philippine Defense.
“Nananawagan ako sa Armed Forces of the Philippines[...] sa Philippine Army, sa Philippine Marines, sa Philippine Navy, sa Philippine Air Force, isama mo na rin ang Coast Guard kahit buwisit ‘yong boss d’yan sa Coast Guard[...],” pag-iisa-isa ng aktor.
“Nanawagan ako sa inyo, mag-usap-usap kayo. Anong gusto ninyong mangyari, mamili kayo, paalisin ninyo si Marcos sa Malacañang o magkagulo dito sa Maynila, magkapatayan, magkasugatan, magkaduguan, magsunugan?” pagdidiin niya.
Pagpapatuloy ni Anjo, patunayan daw nila ang tapang nila para sa taumbayan at hindi sa mga taong nakaupo sa Malacañang.
“Kaya AFP, kumanta na, tinuro na ni Zaldy Co ang mastermind, si Bongbong Marcos saka si Romualdez na hindi isinama sa ICI investigation,” saad niya.
“Mawalang-galang na AFP, pakita na ninyo ngayon ang tapang ninyo. Pakita ninyo ang inyong integridad. Para sa taumbayan kayo. Hindi kayo para sa mga taong nakaupo diyan sa Malacañang,” pagpapaliwanag pa niya.
Ani Anjo, okay lang daw kahit makulong siya basta kumilos ang hukbo ng AFP at huwag na umanong sundin si AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr.
“Ang dami nang ninakaw, kinanta na, nakikiusap ang taumbayan, hindi lang ng Maynila kundi ng buong Pilipinas at buong mundo pati mga OFW [overseas Filipino workers] galit na,” ‘ika niya.
“AFP, huwag n’yo nang pakinggan ‘yan si Brawner. Di baleng makulong ako, okay lang[...] Kumilos na kayo. Kayo na lamang po ang aming pag-asa,” pagtatapos pa ng aktor.
Samantala, wala namang inilalabas na pahayag ang nasabing mga sangay ng PH Defense kaugnay sa mismong naging pahayag ni Anjo.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
MAKI-BALITA: Brawner sa mga umuudyok sa AFP na mag-kudeta: ‘Wag na po kayong umasa!’
MAKI-BALITA: Gen. Brawner, pinaalalahan mga kabaro na 'wag magtuon sa politika
Mc Vincent Mirabuna/Balita