Tila hindi umano kumbinsido si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon kaugnay sa mga ibinabatong paratang ni dating Ako Bicol Partylist Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Ayon sa naging pahayag ni Dizon sa ambush interview ng media noong Biyernes, Nobyembre 14, sunod-sunod na mga katanungan ang pinakawalan niya mula sa alegasyon ni Co sa Pangulo.
“Ako personal ko lang na opinyon,” pagsisimula niya, “unang una, kung maaalala ninyo, bakit ang Presidente ang nagpasabog nito sa SONA mismo?”
Ani Dizon, hindi lang umano sa salita ang mga ginawa ni PBBM sa tatlong buwang lumipas simula sa nagdaan niyang SONA noon.
“Simula no’ng SONA hanggang ngayon, hindi lang salita ang ginawa ng Presidente, konkretong aksyon ang ginawa ng Presidente para mapanagot lahat ng dapat managot,” aniya.
“Binuo ang ICI, andami nang mga kinasuhan, lahat ng reporma sa DPWH, ang sabi ng Pangulo, ‘gawin natin lahat iyan.”
“Most importantly, sabi niya, ‘wala tayong sisinuhin, kung saan tayo dalhin ng ebidensya, doon tayo pupunta.’ Kahit sino pa ‘yan, kahit kamag-anak niya pa ‘yan,” pagbibida pa ni Dizon.
Binalikan din ni Dizon ang naging “komprehensibong” pag-uulat ng Pangulo noong Huwebes, Nobyembre 13, kaugnay sa tatlong buwang naging aksyon ng gobyerno kaugnay sa maanomalyang flood-control projects.
“In fact kahapon lang, nagbigay siya ng komprehensibong report ng lahat ng ginagawa ng gobyerno sa loob lamang ng tatlong buwan,” ‘ika niya.
Dahil umano sa mga ito, duda raw si Dizon dahil hindi nagkakatugma ang mga pahayag nito patungkol sa Pangulo.
“Hindi ‘yon consistent sa sinasabi ni Congressman Zaldy Co na may involvement ang Presidente,” saad niya.
“Kasi kung involved ka, bakit ikaw mismo ang magpapasabog? Bakit mo gagawin lahat ng ito? Bakit mo ibubuo isang independent commission? Bakit mo sasabihin na lahat ng dapat managot ay dapat managot? Bakit mo sasabihin na bago magpasko ay sigurado nang may makukulong?” tuloy-tuloy na pagtatanong ni Dizon.
Kumpara raw sa Pangulo, kinuwestiyon ni Dizon ang pag-alis sa bansa ni Co. “Ano naman ang ginawa ni Congressman Zaldy Co? Di ba ang ginawa ni Congressman Zaldy Co, umalis ng Pilipinas[...] So sino ang paniniwalaan natin?” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
MAKI-BALITA: Zaldy Co, inilabas mga resibo ng mga maletang hinatid umano kina PBBM, ex-HS Romualdez
MAKI-BALITA: PBBM, binulyawan umano noon sina Romualdez, Co sa sobrang pangungupit sa Kongreso—Toby Tiangco
Mc Vincent Mirabuna/Balita