Ikinakasa na ang pagpapatupad ng heightened security sa Malacañang at sa mga entry points nito kung saan iisang gate na lamang ang umano’y bukas at naglagay na rin ng mabibigat na barikada sa loob at paligid ng compound, isang araw bago ang nakatakdang rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Maynila.
Batay sa mga ulat, ang Nagtahan Gate na lamang ang tanging daanan na bukas pagsapit ng Sabado ng umaga, Nobyembre 15, 2025.
Sarado na ang mga access point sa Mendiola, Ayala Bridge, at General Solano, at hinarangan ng mga container van, barbed wire, at police barriers ang mga ruta.
Nakita rin ang mga fire truck at police vehicle na nakaantabay sa mga pangunahing access road.
Naglagay din ng karagdagang uniformed personnel sa loob ng compound ng Palasyo, habang muling inayos ang internal traffic at mas mahigpit na screening ang ipinatutupad sa natitirang bukas na gate.
Ang naturang mga hakbang ay kasunod ng naganap na protesta noong Setyembre 21, kung saan nagtangkang sumulong ang isang grupo ng mga raliyista patungong Mendiola at Ayala Bridge, na nagresulta sa pansamantalang pagsasara ng mga gate at paglalagay ng mas mahigpit na seguridad sa loob ng Malacañang.
Sa kabila ng kapansin-pansing pagdami ng personnel at security equipment, itinanggi ng Malacañang na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang security cluster ng pamahalaan noong Biyernes, sa gitna ng lumalawak na sa mga panawagang magprotesta ang publiko kaugnay ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng flood control projects.
Ang INC rallies, na nakatakdang ganapin mula Nobyembre 16 hanggang 18, ay inaasahang dadagsain ng libo-libong kalahok sa Maynila, dahilan upang itaas ng pulisya ang alert level sa kabisera.