December 13, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Mga Pangulo ng Pilipinas na naabutan ni Juan Ponce Enrile

BALITAnaw: Mga Pangulo ng Pilipinas na naabutan ni Juan Ponce Enrile
Photo courtesy: MB Archives, Wikimedia Commons/Website


Usap-usapan ang pamamayapa ng dating Senate President at Chief Presidential Legal Counsel na si Juan Ponce Enrile sa edad na 101, batay sa kumpirmasyon ng kaniyang anak na si Katrina Ponce Enrile noong Huwebes, Nobyembre 13.

"It is with profound love and gratitude that my father, Juan Ponce Enrile, peacefully returned to his Creator on November 13, 2025, at 4:21 p.m., surrounded by our family in the comfort of our home," saad ni Katrina.

KAUGNAY NA BALITA: Juan Ponce Enrile, pumanaw na sa edad na 101-Balita

Sa edad na 98, nanilbihan si Enrile bilang Chief Presidential Legal Counsel mula noong 2022 hanggang siya ay mamayapa nitong 2025. Sa tagal niya sa politika, siya na ang tinaguriang “longest serving politician” sa bansa.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: ‘Words of wisdom’ mula kay Juan Ponce Enrile, ang naging ‘longest serving politician’ ng bansa-Balita

Dahil sa karanasan at edad na inabot ni Enrile, tila naabutan niya halos lahat ng mga naging Pangulo sa Pilipinas. Ngunit ano nga ba ang sinasabi ng kasaysayan hinggil dito?

1. Manuel L. Quezon

Si Manuel Luis Quezon ay ang kinikilala bilang ikalawang Pangulo ng Pilipinas, at unang Pangulo ng pamahalaang Komonwelt, matapos niyang talunin sa eleksyon ang unang Pangulo ng bansa na si Emilio Aguinaldo. Nanungkulan si Quezon mula 1935 hanggang 1944.

Nang mga panahong ito, 11 taong gulang si Enrile nang manalo bilang Presidente si Quezon.

Ilan sa mga natatanging kontribusyon ni Quezon sa bansa ay ang inisyatibo para ganap na makaboto ang kababaihan tuwing eleksyon, ang pag-aprub sa Filipino bilang Pambansang Wika ng Pilipinas, at ang pagtatag ng National Council of Education.

2. Jose P. Laurel

Si Jose P. Laurel ang ikatlong Pangulo ng bansa, kasunod ni Manuel L. Quezon. Si Laurel ay nanilbihan bilang Presidente mula 1943 hanggang 1945.

Si Juan Ponce Enrile ay 19 taong gulang nang maluklok sa puwesto si Laurel.

Isa sa mga kontribusyon ni Laurel sa kasaysayan ng bansa ay ang pag-oorganisa ng KALIBAPI, o ang Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas. Isa itong probisyonal na gobyerno noong panahon ng mga Hapon.

3. Sergio Osmeña Sr.

Si Sergio Osmeña ay ang ikaapat na Pangulo ng bansa, at ang ikalawang Pangulo ng pamahalaang Komonwelt, na naluklok sa puwesto noong 1944 hanggang 1946.

Nang manalo bilang Presidente ng Pilipinas, si Enrile ay nasa edad 20 anyos na noong mga panahong iyon.

Si Osmeña ang unang Pangulo mula sa Visayas (Cebu), ang nagtatag ng Nacionalista Party, at ang Founder at Editor ng El Nuevo Dia, isang Spanish newspaper sa Cebu City.

4. Manuel A. Roxas

Si Manuel A. Roxas ang ikalimang Pangulo ng bansa, at ang huling Presidente sa ilalim ng pamahalaang Komonwelt. Siya rin ang kinikilala bilang unang Pangulo ng ikatlong Republika ng Pilipinas.

Si Enrile ay nasa edad 22 taong gulang na nang maging lider ng bansa si Roxas.

Si Roxas ay kinilala matapos nitong isagawa ang rekonstruksyon ng bansa mula sa epekto ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tanyag din ang mga batas na Philippine Rehabilitation Act and Philippine Trade Act na naipasa sa Kongreso sa ilalim ng kaniyang administrasyon.

5. Elpidio R. Quirino

Si Elpidio R. Quirino ay ang ikaanim na Pangulo ng bansa, at ang ikalawa naman sa ilalim ng ikatlong Republika ng Pilipinas. Siya ang sumunod na Pangulo ng bansa matapos manilbihan si Manuel Roxas.

Tumagal ang kaniyang termino bilang Presidente sa loob ng higit limang taon, mula 1948 hanggang 1953.

Nang mga panahong ito, si Enrile ay nasa edad 24 taong gulang na.Ilan sa mga hindi malilimutang kontribusyon ni Quirino sa bansa ay ang pagtatag niya ng Social Security Commission, ang pagtatag ng Integrity Board upang mabantayan ang “graft” at korapsyon, at ang pagtatalaga sa Quezon City bilang kabisera ng Pilipinas noong 1948.

6. Ramon Magsaysay Sr.

Si Ramon Magsaysay Sr. ay ang ikapitong Pangulo ng bansa, at ang ikatlo sa ilalim ng ikatlong Republika ng Pilipinas.Si Magsaysay ang ang tinaguriang “Kampeon ng Masa” dahil sa pagiging malapit nito sa mga pangkaraniwang Pilipino. Siya ay naging Presidente mula 1953 hanggang 1957.

29 na taong gulang na si Enrile nang maitalaga si Magsaysay Sr. bilang ikapitong Presidente ng bansa.

Ilan sa mga kontribusyon ni Magsaysay Sr. sa bansa ay ang pagiging dahilan upang mapasama ang Pilipinas sa Southeast Asia Treaty Organization, ang pagtatag ng National Resettlement and Rehabilitation (NARRA), at ang pagkilala sa Pilipinas bilang ikalawa sa pinakamalinis na gobyerno sa buong Asya, sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.

7. Carlos P. Garcia

Si Carlos P. Garcia ay ang ikawalong Pangulo ng Pilipinas, at ang ikaapat sa ilalim ng ikatlong Republika ng bansa, na nanilbihan mula 1957 hanggang 1961.

Si Enrile ay 33 taong gulang nang maging Pangulo si Carlos P. Garcia.

Siya ang nagpasinaya ng Filipino First Policy, na siyang naging dahilan para pumabor ang sektor ng business sa mga Pilipino. Siya rin ang pumalit kay Magsaysay nang ito ay pumanaw sa isang airplane crash noong 1957. Sa lahat naman ng mga naging Pangulo sa Pilipinas, siya ang kauna-unahang Presidente sa bansa na nailibing sa Libingan ng mga Bayani.

8. Diosdado Macapagal

Si Diosdado Macapagal ay ang ikasiyam na Pangulo ng bansa. Si Macapagal ay isang abogado at ekonomista, na naging Presidente mula 1961 hanggang 1965.

Nang maupo sa puwesto si Macapagal, si Enrile ay nasa edad 37 taong gulang na.

Ilan sa mga hindi malilimutang kontribusyon ni Macapagal sa bansa ay ang Land Reform Law, ang pagpirma ng Minimum Wage Law, at ang pagtatag ng Philippine Veteran’s Bank.

9. Ferdinand E. Marcos Sr.

Si Ferdinand E. Marcos Sr. ay ang ikasampung Pangulo ng bansa, at ang huling Presidente sa ilalim ng ikatlong Republika ng Pilipinas. Kontrobersyal ang administrasyong Marcos Sr. sapagkat ibinaba niya ang Pilipinas sa ilalim ng Batas Militar.

Naging Pangulo si Marcos Sr. sa loob ng 21 taon, pinakamahaba sa kasaysayan ng Pilipinas.

Si Enrile ay 41 taong gulang nang umupo sa puwesto si Marcos Sr. Ilan sa mga hindi malilimutang kontribusyon ni Marcos Sr. sa bansa ay ang pagtatayo ng maraming imprastraktura at kalsada sa Pilipinas tulad ng North Luzon Expressways (NLEX), South Luzon Expressways (SLEX), Maharlika Highway, at ang San Juanico Bridge. Pinalakas din ni Marcos Sr. ang military at armed forces noong siya ay Pangulo pa ng bansa.

10. Corazon C. Aquino

Si Corazon “Cory” Aquino ay ang unang babaeng Pangulo ng bansa, at ang ikalabing-isang Presidente ng Pilipinas mula 1986 hanggang 1992. Siya ay tinaguriang “Ina ng Demokrasya” matapos pangunahan ang People Power Revolution na naging dahilan ng pagkakatalsik ni Marcos Sr. sa puwesto.

Si Enrile ay 62 taong gulang nang maging Pangulo ng bansa si Cory Aquino.

Ilan sa mga kontribusyon niya sa kasaysayan ng bansa ay ang pagpirma sa Family Code of 1987, at ang paglagda sa 1191 Local Government Code. Siya rin ay ang kinilalang Woman of the Year noong 1986 ng TIME magazine.

11. Fidel V. Ramos

Si Fidel V. Ramos ay ang ikalabing-dalawang Pangulo ng bansa, sunod kay Cory Aquino. Siya ay nanilbihan mula 1992 hanggang 1998.

Si Enrile ay nasa edad 68 na noong naging Pangulo si FVR.

Kilala si FVR sa pagpapayabong ng ekonomiya ng Pilipinas, kung saan umusbong ang Philippine Stock Exchange sa kaniyang kapanahunan.

12. Joseph E. Estrada

Si Joseph Estrada ay ang ikalabing-tatlong Pangulo ng Pilipinas. Ang kaniyang termino ay nagtagal lamang sa loob ng halos tatlong taon, matapos mapatalsik sa puwesto. Nanilbihan siya bilang Presidente mula 1998 hanggang 2001.

Si Enrile ay 74 taong gulang nang mahalal si Estrada bilang Pangulo.

Ang ilan sa mga kontribusyon niya sa bansa ay ang nang mapabilang siya sa “Magneficent 12” na bumoto upang i-terminate ang kasunduan na magkaroon ng kontrol ang Amerika sa Clark Airbase at Subic Naval Airbase. Siya rin ay kinilala sa mga batas na may kinalaman sa irigasyon.

13. Gloria Macapagal Arroyo

Si Gloria Macapagal Arroyo ay ang ikalabing-apat na Presidente ng bansa, na nanungkulan mula 2001 hanggang 2010. Siya ay anak ni dating Pangulong Diosdado Macapagal.

Nang maupo sa puwesto si Arroyo, si Enrile ay nasa edad 77 na.

Ilan sa mga kontribusyon niya sa Pilipinas ay ang pagkakaroon ng mataas na “economic growth” sa ilalim ng kaniyang administrasyon at ang pagkilala sa Philippine Peso bilang best-performing currency noong 2007.

14. Benigno Aquino III

Si Benigno Aquino III ay ang ikalabing-limang Pangulo ng Pilipinas, na naging Presidente mula 2010 hanggang 2016. Siya ay anak ni Cory Aquino, ang unang babaeng Pangulo ng bansa.

Si Enrile ay 86 taong gulang nang umupong Presidente si Aquino III.

Ilan sa mga hindi malilimutan sa administrasyong Aquino III ay ang pagtatag ng “No Wang-Wang Policy,” ang pagkakaroon ng 7.1% na pagtaas sa ekonomiya ng Pilipinas noong 2012, at ang pagpasok niya sa 100 Most Influential People in the Wolrd noong 2013, ayon sa TIME.

15. Rodrigo Roa Duterte

Si Rodrigo Duterte ay ang ikalabing-anim na Pangulo ng bansa. Siya ay nahalal noong 2016 sa edad na 71. Siya ang kinikilala bilang pinakamatandang Presidente na nahalal sa pagkapangulo ng Pilipinas.

Nang maging Pangulo si Duterte, si Enrile ay 92 taong gulang na.

Kilala si Duterte sa pagpapasa ng TRAIN Law, Comprehensive Tax Reform Program, at ang paglagda ng Freedom of Information Order.

16. Ferdinand R. Marcos Jr.

Si Ferdinand Marcos Jr. ay ang ikalabing-pitong Pangulo ng bansa, at ang anak ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Siya ay ang kasalukuyang Pangulo ng bansa, na nahalal noong 2022.

Si Enrile ay 98 taong gulang nang si Marcos Jr. ay nanalo bilang Presidente ng bansa. Sa pambihirang pagkakataon, siya rin ay pinili bilang Chief Presidential Legal Counsel nito.

Isa sa mga pinakamatunog na kontribusyon ni Marcos Jr. sa kaniyang panunungkulan ay ang pagpapatigil ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) simula 2025.

Makikitang labing-anim sa labing-pitong Pangulo ng bansa ang naabutan ni Enrile. Sa tagal niyang namuhay sa mundo, tila nasaksihan niya kung paano panghawakan ng mga Pangulong ito ang kanilang responsibilidad bilang lider ng bansa.

Vincent Gutierrez/BALITA