'ANG UTOS NG HARI AY HINDI PWEDE MABALI'
Tahasang nagsalita si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co na nag-utos diumano si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na mag-insert ng ₱100 bilyon sa 2025 national budget.
Sa isang video na inilabas ni Co sa kaniyang social media account, tahasan niyang sinabi ang tungkol sa planong insertion.
"Nagsimula ito no'ng tumawag si [DBM] Sec. Amenah Pangandaman sa akin no'ng nag-umpisa ang bicam process last year 2024. Ang sabi niya katatapos lang ng meeting nila ni Pangulo at may instructions na mag-insert o magpasok ng ₱100-billion worth of projects sa bicam," saad ni Co.
"Sinabi pa ni Sec. Amenah, you can confirm with Usec. Adrian Bersamin dahil magkasama sila ni Pangulong BBM noong araw na 'yon. Tinawagan ko po agad si Usec. Adrian Bersamin at tinanong ko kung may instruction nga ba ang pangulo na magpasok ng ₱100 billion during their meeting. Ang sabi niya ay totoo nga po," dagdag pa ng dating kongresista.
"Right after our conversation, tinawagan ko po si dating Speaker Martin Romualdez at nireport ko ang instructions ng presidente to insert the ₱100-billion worth projects at sinabi niya sa akin 'what a president's wants, gets.' After ng ilang araw, nag-set po ng meeting si Sec. Amenah Pangandaman at Usec. Adrian Bersamin sa amin ni dating Speaker Martin Romualdez sa Aguado Building in front of gate 4 ng Malacañang at nandoon din po si Usec. Jojo Cadiz," kwento pa niya.
"During the meeting, binigay po ni Usec. Adrian Bersamin ang listahan ng ₱100-billion worth. Tinanong ko po si Usec. Adrian kung saan galing ang listahan, ang sagot niya, galing kay PBBM mismo at binigay niya ito mula sa brown leather bag.
"No'ng sinabi po ni Usec. Adrian Bersamin 'yong brown leather bag, naalala ko no'ng nasa Singapore kami, right after the elections May 2022, sa Hilton Hotel, kami ni dating Speaker Martin at ni PBBM habang pauwi pabalik ng Pilipinas hinabol ng PSG ang brown leather bag at sinabi ni PBBM, maiwan na lahat 'wag lang ang brown leather bag," ayon pa kay Co.
"Kaya naniwala ako na utos talaga ito ng pangulo. Pagkatapos ng ilang araw, I informed sina dating Speaker Martin Romualdez, Sec. Amenah Pangandaman, Usec. Adrian Bersamin and Usec. Jojo Cadiz na kung puwede ₱50 billion lang ang ipasok sa programmed funds dahil sosobra ang DPWH funds versus sa DepEd. In practice, hindi puwede na mas malaki ang budget ng DPWH kaysa Edukasyon. 'Yong balance na ₱50 billion ilagay na lang sa unprogrammed funds for the 2025 budget dahil Office of the President din ang nagre-release ng lahat ng unprogrammed funds.
"Pagkatapos ng isang araw, tinawagan ako ni Sec. Amenah at sinabing ang mensahe ng pangulo, 'ipasok niyo 'yan dahil ipinangako na sa akin ni Speaker Martin 'yan at hindi na puwedeng baguhin.' Kumbaga, ang utos ng hari ay hindi pwede mabali," giit pa ni Co.
"Again, I informed the speaker and as clearance about the instructions ng Pangulo, at ang sabi niya, 'wala tayong magagawa.' Kaya po nagtataka ako, kung bakit sinasabi ni Pangulo na hindi niya makilala ang budget. Samantalang lahat ng binawas at dinagdag sa mga ahensya ng gobyerno ay humihingi ng approval sa kaniya si Sec. Amenah Pangandaman."
Bukod dito, isiniwalat din ni Co na si Romualdez umano ang nag-utos sa kaniya na manatili sa ibang bansa at huwag bumalik ng Pilipinas.
Samantala, as of this posting, wala pang pahayag sina PBBM at Romualdez sa isiniwalat ni Co.