Tila naglabas ng pasabog na pahayag si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay sa pag-uutos umano sa kaniya ni dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez na huwag umuwi sa bansa.
Ayon sa inupload na video statement ni Co sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Nobyembre 14, sinabi niya sa mga Pilipino na batid raw niya ang galit na nararamdaman ng mga ito pero humingi siya ng panahon para makapagpaliwanag.
“Para sa bawat Pilipino, alam ko na buo ang galit ninyo sa akin ngayon at nauunawan ko rin kung bakit, lalo na at malaki ang halagang nakataya,” pagsisimula ni Co.
Dagdag pa niya, “pero bago kayo humusga, hayaan ninyong ipaliwanag ko ang buong katotohanan. Matagal akong hindi nagsalita dahil may direktang utos sa akin, ‘huwag nang bumalik ng Pilipinas at manahimik na lamang.’”
Pagkukuwento ni Co, umalis raw siya sa bansa nitong Hulyo 2025 upang magpatingin ng kaniyang kalusugan ngunit pinigilan umano siya ni Romualdez sa pagbalik.
“Umalis ako noong July 19, 2025, para sa aking check up. Nakaplanong bumalik pagkatapos ng SONA ng Pangulo. Pero habang papauwi na ako, tinawagan ako ni dating Speaker Martin Romualdez at sinabihan, “Stay out of the country. You will be well taken care of as instructed by the President.”
Ani Co, naniwala pa raw siya noong una kina Romualdez at itinikom niya ang kaniyang bibig.
“Noon, naniniwala pa ako sa kanila kaya’t hindi ako bumalik. Tumikom ang aking bibig. Sumunod ako. Pero ang hindi ko alam, ang ibig pala nilang sabihin sa “aalagaan ka namin” ay gagamitin ako bilang panakip butas sa kanilang kampanya laban sa korapsyon,” pagkukuwento niya.
Pagpapatuloy pa ni Co, hindi raw siya mananahimik ngayon at maglalabas daw siya ng mga resibong may ebidensya at pangalan.
“Ginawa nila akong poster boy ng kanilang sariling kasinungalingan. Ngayon, hindi na ako mananahimik, ilalabas ko ang lahat ng katotohanan. May resibo, may ebidensya, at may pangalan,” pagtatapos ni Co.
Samantala, wala pa naman inilalabas na pahayag si Romualdez kaugnay sa isinawalat na ito ni Co.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
Mc Vincent Mirabuna/Balita