Tila wala umanong katunayan ang pagiging malapit sa isa’t isa nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Sa isinagawang press briefing nitong Biyernes, Nobyembre 14, sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na wala umano siyang nakikita kung gaano ka-close ang pangulo at ang dating kongresista.
“Parang wala naman po akong masasabi na sila ay close. Wala po akong nakikita kung gaano ang closeness nila,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “[M]aaari pagdating sa trabaho sila ay nagkakausap. Pero kung ang sasabihin n'yo po na ang kanilang relasyon ay close hindi po 'yan natin masasabi at wala pa pong makakapagpatunay niyan.”
Ito ay matapos tanungin si Castro kaugnay sa dahilan ng umano’y pagbaligtad ni Co. Matatandaang siya ang dating chairman ng House Committee on Appropriations na kalaunan ay nagbitiw sa posisyon dahil sa kalagayan umano ng kaniyang kalusugan.
Maki-Balita: Rep. Zaldy Co, nagbitiw bilang chairman ng House Committee on Appropriations
Samantala, tila ipinaubaya na niya sa mga “matitinong media practitioners” ang pagtukoy sa dahilan kung bakit naglalahad si Co ng mga naratibong naglalaglag sa pangulo at dating House Speaker Martin Romualdez.
“Kayo po ang magtanong sa kaniya. Bakit siya nagsasabi ng mga ganitong kuwento at hanapan n’yo po siya ng ebidensiya,” anang Palace Press Officer.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay kumanta na si Co nito ring Biyernes kaugnay sa mga nalalaman niya sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa dating kongresista, umalis siya sa bansa noong Hulyo 2025 upang magpatingin ng kaniyang kalusugan ngunit pinigilan umano siya ni dating Romualdez na bumalik.
Maki-Balita: Zaldy Co, kinantang si Ex-HS Martin Romualdez nag-utos na 'wag siyang umuwi
Maki-Balita: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget