“Disaster” para sa mga Lechoneros ng La Loma ang pansamantalang pagpapatigil sa kanilang operasyon bunsod ng banta ng African Swine Fever (ASF).
Kaugnay ito sa isinagawang pagsusuri ng Veterinary Department ng Quezon City local government, kasama ang Bureau of Animal Industry (BAI), kung saan napag-alaman nilang may mga baboy na nagpositibo sa naturang sakit.
KAUGNAY NA BALITA: 14 na lechonan sa La Loma, pansamantalang ipinasara dahil sa ASF-Balita
Sa panayam ng DZMM Teleradyo kay Ramon Ferreros, Pangulo ng Lechoneros of La Loma nitong Biyernes, Nobyembre 14, isiniwalat niya ring mayroong disinfection na isasagawa na tatagal umano ng limang araw.
“E talagang disaster sa amin ito, honestly. Ngayon nga mayroon silang disinfection today. ‘Yan ay tatagal daw ng at least 5 days? And then siguro, at least a week malalaman na kung clear na ‘yong [African Swine Fever] ASF sa La Loma. Apat lang naman, out of 14 Lechoneros, apat ang affected ng ASF,” panimula ni Ferreros.
“Kami, ako talaga napakahigpit [...], mayroon kaming mga ASF clearance, ang mga biyahero namin [ay] napakahigpit niyan. Pero may mga iba, I don’t know kung paano nakakalusot ‘yan,” karagdagan pa niya.
Giit ni Ferreros, patuloy pa rin nilang pinasasahod ang kanilang mga trabahador, sa takot na baka ang mga ito ay umalis at maghanap ng ibang papasukan.
“May mga trabahador kami, of course, diretso ang sahod niyan kahit walang trabaho kasi kapag hindi namin ginawa iyon, aalis sa amin ‘yan—maghahanap ng [ibang] trabaho, e kailangan namin ng trabahador lalo kapag darating ang December,” saad niya.
“E talagang buong Lechon community, ganoon karami ba tauhan namin? At ‘yong lechon industry na pinaghirapan namin nang mahabang panahon, ganoon kadaling magigiba,” pagtatapos niya.
Matatandaang tiniyak naman ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na sila ay tumutulong na sa mga negosyante upang maipagpatuloy ng mga ito ang kanilang hanapbuhay.
Vincent Gutierrez/BALITA