Bumwelta si Palace Press Officer Atty. Claire Castro kaugnay sa pagkontra ni Vice President Sara Duterte sa pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Sa isinagawang press briefing nitong Biyernes, Nobyembre 14, sinabi ni Castro na hindi itinatanggi ng Palasyo na naapektuhan ang economic growth ng bansa dahil sa mga kalamidad at isyu ng korupsiyon.
“Ang korupsiyon na ito ay hindi lang sa panahon ngayon. Panahon pa po no’ng nakaraang administrasyon. Hinahanap pa po ang 33.5 bilyon na patungkol po sa flood control master plan sa Cebu. Isa pa po ito sa dapat imbestigahan. Nakaka-cause din po ito sa ating ekonomiya,” saad ni Castro.
Dagdag pa niya, “Maraming anomalya na dapat nating malaman. Pati ‘yong mga ghost projects na inamin naman ng dating Pangulong [Rodrigo] Duterte.”
Kaya naman ang lahat umano ng kalat na ito ng nakaraang administrasyon ay nililinis sa kasalukuyan.
“But ang pangako ng pangulo, gagawin ang lahat—pati ang econimic team—para mapaangat pa ang ekonomiya,” anang Palace Press Officer.
Matatandaang sinabihan ni VP Sara na wala umano sa tamang pag-iisip ang nagsasabing nakakabawi na ang ekonomiya ng Pilipinas sa ginanap na 90th Anniversary of the Office of the Vice President (OVP) sa Makati Shangri-La, Manila nito ring Biyernes.
Maki-Balita: 'Wala 'yan sa tamang pag-iisip!' VP Sara, inalmahan nagsabing makakarekober ekonomiya ng Pilipinas