December 12, 2025

Home BALITA

DILG sa mga magulang: Huwag pasamahin mga anak sa mga ‘Geng-Geng,’ ‘gangsta’ na lalahok sa INC protest

DILG sa mga magulang: Huwag pasamahin mga anak sa mga ‘Geng-Geng,’ ‘gangsta’ na lalahok sa INC protest
Photo courtesy: Contributed photos


Inabisuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga magulang na iiwas ang kanilang mga anak na sumama sa mga ‘Geng-Geng’ at ‘gangsta,’ hinggil sa ikakasang 3-day protest ng Iglesia ni Cristo (INC) mula Nobyembre 16 hanggang 18.

Sa ibinahaging Facebook post ng DILG Philippines nitong Biyernes, Nobyembre 14, mababasa na sa kabila ng kanilang suporta, titiyakin din nila ang seguridad ng Palasyo habang isinasagawa ang naturang kilos-protesta.

“Kami po sa DILG ay nakikiisa sa mungkahi ng Iglesia ni Cristo sa kanilang panawagan.  Para sa Katotohanan, Pananagutan, at Hustisya ang tinig at sigaw ng bawat Pilipino. Bahagi ng aming katungkulan ang siguraduhin ang kapayapaan sa mga kaganapan,” panimula ng DILG.

“Isa po lamang na paalala: ang paligid ng Malacañang ay mahigpit naming gagampanan ang seguridad para sa kalahatán. Sa mga magulang, sana paalalahanan ninyo ang inyong mga anak na huwag sumama sa mga 'Geng-Geng' at 'gangsta',” karagdagan pa nila.

Nagpaalala rin silang anumang uri ng panggugulo at pananakit ay tiyak na pagtutuunan nila ng pansin, na naaayon sa batas—kasabay ang mungkahi ng pagkakaisa para sa bansa.

“Lahat po ng magpakita ng balak manggulo ay pagtutuunan namin ng buong bigat ng batas. Ang kalayaan para sa matiwasay na pagpupulong para iparamdam ang damdamin ay nakasaad sa ating Saligang Batas,” anang ahensya.

“Ang manggulo at manakit ay hindi kasama doon. Lahat po ay gagawin namin para manatili ang katahimikan. Magkaisa po tayo para sa ating Inang Bayan,” pagtatapos nila.

Photo courtesy: DILG Philippines/FB

Matatandaang kamakailan, ilan na ring mga kilos-protesta ang isinagawa ng iba’t ibang grupo, kaugnay sa kanilang panawagan patungkol sa malawakang korapsyon at anomalya sa flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

KAUGNAY NA BALITA: 1Sambayan, Trillion Peso, hinihikayat mga Pilipino magputi tuwing Biyernes kontra korapsyon-Balita

KAUGNAY NA BALITA: Mga estudyante, kabataan magkakasa ng kilos-protesta sa darating na Oktubre 17-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA