December 12, 2025

Home BALITA

Bangasomoro Movement, iba’t ibang organisasyong Muslim, raratsada sa EDSA sa Nov. 16-18!

Bangasomoro Movement, iba’t ibang organisasyong Muslim, raratsada sa EDSA sa Nov. 16-18!
Photo courtesy: Rally Para Sa Pananagutan, Katarungan at Katapatan (FB)

Nakatakda umanong magsanib-puwersa ang maraming bilang ng mga Muslim at samahan ng One Bangsamoro Movement (1BANGSA) upang magsagawa ng tatlong araw na kilos-protesta sa EDSA People Power Monument sa Quezon City. 

Ayon sa inilabas na pahayag ng 1BANGSA sa pangunguna ng kanilang National President Maulana “Alan” A. Balangi sa kanialng Facebook page nitong Biyernes, Nobyembre 14, nanawagan para sa lahat ng kapatid nilang muslim na makiisa sa nasabing kolektibong pagkilos na kanilang gagawin sa Nobyembre 16 hanggang Nobyembre 18, 2025. 

“Sa diwa ng pagkakaisa at pananampalataya, nananawagan kami sa lahat ng kapatid na Muslim sa buong bansa na makibahagi sa malawakang pagtitipon ng One Bangsamoro Movement (1Bangsa) at mga kaanib na organisasyong Muslim sa darating na Nobyembre 16, 17, at 18 sa EDSA People Power Monument , Quezon City,” anila. 

Photo courtesy: Rally Para Sa Pananagutan, Katarungan at Katapatan (FB)

Photo courtesy: Rally Para Sa Pananagutan, Katarungan at Katapatan (FB)

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

Anila, matagal na raw silang nakamasid at nakikinig sa pulso ng sambayanan kaugnay sa mga usapin ng katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan. 

“Sa loob ng maraming taon, ang Bangsamoro ay tahimik na nakamasid, nakikinig, at nakikiramdam sa pulso ng sambayanan. Ngunit panahon na upang tumindig, maningil, at sumigaw para sa hustisya! Hindi na maitatago ang matinding galit at pagkadismaya ng mamamayan sa harap ng malawakang katiwalian at pagnanakaw sa kaban ng bayan na umabot sa trilyong piso, salaping dapat sana’y ginugol para sa edukasyon, kabuhayan, kalusugan, at kapayapaan[...]” pagdidiin nila. 

Pagpapatuloy pa nila, huwag daw ipagsawalang-bahala ang tinig ng higit 10 milyong Muslim dahil kaya nilang “yanigin” ang buong bansa sa pagsigaw ng hustisya. 

“Huwag ipagwalang-bahala ang aming tinig, sapagkat kapag ang higit sa sampung (10) milyong Muslim sa Pilipinas ay sabay-sabay na sumigaw ng hustisya, yayanig ang buong bansa mula Sulu hanggang Aparri,” saad nila. 

Dagdga pa ng 1BANGSA, “Ang aming tinig ay hindi tinig ng galit, kundi tinig ng pagmamahal sa Inang Bayan at ng panawagang ibalik ang tiwala sa pamahalaan.”

Layunin umano ng nakatakda nilang pagkilos na ipakita ang tunay na kapayapaang naidudulot ng katotohanan, katarungan, at pagkakaisa. 

Anila, nais nilang ipabatid sa publiko na sila raw ay gising sa panahon ito ng paniningil ng taumbayan sa mga ninakaw na kaban at ipaglaban ang bansa sa katiwalian.

Samantala, bago nito, nauna na umano silang magsagawa ng press conference sa pangunguna ng United Peoples Initiative (UPI), private sectors, at religious groups noong Huwebes, Nobyembre 13, upang ianunsyo ang nakatakda nilang pagkilos sa EDSA People Power Monument sa QC. 

MAKI-BALITA: 'We will arrest you!' banta ni Remulla sa aamba ng destabilisasyon sa INC protest

Mc Vincent Mirabuna/Balita