Tila nagpaabot ng pagbabanta si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na hahabulin na raw nila ang mga nasabing sangkot sa maanomalyang flood-control projects.
Ayon sa naging report ni PBBM kaugnay sa tatlong (3) buwan nilang pag-iimbestiga sa flood-control anomalies nitong Huwebes, Nobyembre 13, sinabi niyang nagtuon sila sa pagasagawa ng tatlong bagay upang lutasin ang nasabing korapsyon.
“Pananagutin natin lahat ng may kasalanan. Ibabalik natin,” saad niya.
Anang Pangulo, una nilang ginawang hakbang ang pagsasampa ng kaso sa mga sangkot na mayroon daw silang ebidensya kaugnay sa flood-control anomalies.
“Sinampahan na natin ng kaso ‘yong mga may ebidensya tayo na mayroon silang kinalaman dito sa mga korapsyon na ito,” pagsisimula niya.
Kasunod nito, titiyakin daw ng pangulo na maibabalik ang mga ninakaw na kaban ng bayan ng mga nasabing sangkot sa gobyerno.
“Tinitiyak natin na ang kanilang ninakaw na pondo ay maibabalik sa pamahalaan upang magamit sa tama ang mga perang ‘yan,” saad pa niya.
Dagdag pa ni PBBM, gumawa rin daw sila ng mga bagong reporma sa iba’t ibang ahensya ng gobyero upang matiyak na hindi na mauulit pa ang mga nasabing korapsyon sa bansa.
“Naglagay tayo ng mga reporma para itong pangyayaring ito ay hindi na talagang mauulit,” paglilinaw pa niya.
Natawag din ng Pangulo na “walang hiya” ang mga ansabing sangkot sa korapsyon at tapos na raw ang maliligayang araw ng mga ito.
“Kaya’t ‘yang mga taon ‘yan na kasabwat diyan, itong mga walang hiyang ito na nagnanakaw ng pera ng bayan, tapos na ang maliligayang ninyong araw,” pagdidiin niya.
“Hahabulin na namin kayo,” pahabol pa niya.
Samantala idiniin din ni PBBM na marami raw mga sangkot sa korapsyon ang siguradong magpapasko sa kulungan.
“Alam ko, bago mag-Pasko, marami dito sa napangalanan dito ay palagay ko, matatapos na 'yong kaso nila, buo na 'yung kaso nila, makukulong na sila. Wala silang Merry Christmas, before Christmas makukulong na sila,” pagtitiyak pa ng Pangulo.
Matatandaang ibinahagi rin ni Pangulo sa pareho nitong pahayag na nagsampa umano ng kaso ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Department of Justice (DOJ) sa aabot na 89 na mga kontratista, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at Commission on Audit (COA) dahil sa hindi pagbabayad ng buwis.
MAKI-BALITA: BIR, kinasuhan 89 kontratista, DPWH, COA officials dahil sa ₱8.86B tax evasion—PBBM
“Mula naman November 6, nagasampa naman ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng sampung kaso sa DOJ laban sa mga opisyal ng DPWH at mga contractor. Umaabot sa 8.86 billion pesos ang kanilang tax liabilities,” aniya.
“Syempre may mga multa ‘yan dahil hindi sila [ay] nagbayad. Ito ay tax liabilities na sangkot sa mga kasong tax evasion at failure to file accurate information,” pagtatapos pa ni PBBM.
MAKI-BALITA: 'Wala pang kaso!' PBBM, ipinaliwanag bakit 'di pa nakakansela passport ni Zaldy Co
MAKI-BALITA: 'Bigyan n'yo kami ng ebidensya!' Romualdez, wala sa listahan ng kakasuhan sa flood control scam—PBBM
Mc Vincent Mirabuna/Balita